Wednesday, September 22, 2010

May sabwatan ba sa likod ng IIRC report?

MAGANDANG balita para sa mga walang karapatang magdala ng baril ang pinalabas na report ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamunuan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima na inatasang mag-imbestiga sa naganap na hostage-taking sa Quirino Grandstand noong nakaraang buwan.

Sa isinumiteng report ng IIRC kay P-Noy, kakatwa na hindi kasama sa mga inirekomenda na sampahan ng kaso si SPO2 Gregorio Mendoza, ang kapatid ni dismissed P/Capt. Rolando Mendoza na pumaslang sa mga binihag niyang turista mula sa Hong Kong.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na si SPO2 Gregorio ay inabsuwelto at pinawalang sala sa inilabas na report ng komite ni De Lima kahit ito ang nagsilbing mitsa ng pagwawala ng kanyang kapatid upang pagpapatayin nito ang kanyang mga bihag kahit paulit-ulit mang balikan ang pangyayari.

Ang kahina-hinala at biglang paglutang ng damuhong si SPO2 Gregorio sa eksena habang isinasagawa ng kanyang hostage-taker na kapatid ang terorismo ay binale-wala ng IIRC.

Sadya yatang hindi gumamit ng sentido-kumon ang IIRC sa imbestigasyon para hindi isama ang damuhong si SPO2 Gregorio na noong maganap ang madugong insidente ay suspendido na kung kaya’t wala siyang karapatang magbitbit ng baril.

Ang pagdadala ng baril ay mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na hindi unipormado, lalo na kung wala sila sa duty o oras ng pagtupad sa tungkulin.

Lumalabas na parang sinabi na rin ng IIRC sa kanilang report na ngayon ay malaya nang makapagdadala ng baril ang mga hindi unipormadong pulis.

Sa pagkakaalam natin, mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na hindi unipormado ang magdala ng baril kapag sila ay wala sa duty o wala sa oras ng pagtupad sa tungkulin.

Hindi pa ‘yan, mga panyero! Kapansin-pansin na maging sa panig ng kapulisan ay wala yatang nagsasabing may mas mabigat na kasong dapat harapin itong si SPO2 Gregorio na bukod sa “disobedience” na naunang isinampa laban sa kanya.

Matatandaang si SPO2 Gregorio ay tinawag na “conspirator” ni Col. Orlando Yebra na nagsilbing negotiator sa hostage-taking.

Hindi ba nagbanta pa si Yebra na kanyang sasampahan ng kaso si SPO2 Gregorio dahil sa pakikipagsabwatan sa kapatid na hostage-taker?

Anong nangyari bakit disobedience lang ang ikinaso kay SPO2 Gregorio?

Bakit hindi rin kasamang nakasuhan si Alberto Lubang, ang tourist bus driver, na, ayon sa mga pulis, ay nagsilbing hudyat upang upakan ang hostage-taker? Hmmm!

Mukhang may umaalingasaw na malaking sabwatan tayong naaamoy sa pangyayari at sa report ng IIRC.

Mmmm!

* * *

KA LEROY (QC) – “Kung pumalpak ‘yung operation para iligtas ang mga hostage, mas palpak ang report ng IIRC. Kasi, halos lahat ay kinasuhan. Ang hinahanap ng mga taga-HK ay kung sino ang custodian ni Capt. Mendoza na kung bakit dalawang taon na siyang dismis ay may hawak pa siyang Armalite na dapat ay kinumpiska na ng custodian. At bakit may sukbit pang baril si SPO2 Gregorio Mendoza gayong suspendido siya?”

* * *

ROLY (Tondo, Manila) – “May sabwatan ‘yan. Ano’ng palagay nila sa mga tao, mga bobo? Si De Lima ang bobo dahil ’di kinasuhan ‘yung kapatid ng hostage-taker.”

* * *

ROSS (LPC) – “Para sa akin, ang mga dapat kasuhan sina: SPO2 Gregorio Mendoza at Gen. Rodolfo ‘Walang-Tibay’ Magtibay.”

* * *

GG (Sampaloc, Manila) – “Bakit po ang kapatid ni Mendoza ay wala sa mga nakasuhan? ‘Yun ang puno’t dulo ng gulo sa Luneta. Bobo po ang DOJ.”

* * *

INSP. GUERRERO – “At that time, si Gregorio Mendoza ay suspendido at walang karapatang magdala ng baril.”

No comments:

Post a Comment