Friday, September 17, 2010

“Ukay-Ukay Law” ni Alvarez; ICTSI pinagpala ni GMA

PLANO raw ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Angelito “Lito” Alvarez na maging legal ang pagpasok ng mga used clothing o Ukay-Ukay.

Ayon sa kanya, kikita ng P700-M kada taon ang gobyerno sakaling bubuwisan at gagawing legal ang pagpasok ng mga Ukay-Ukay sa bansa.

Ang problema, imbes atupagin ni Alvarez ang kanyang mga tungkulin sa Customs na dapat niyang unahin at gampanan ay nanghihimasok siya mga bagay na hindi niya naman dapat pakialaman.

Nakalimutan ni Alvarez na ang pagpapanukala ng batas ay hindi niya trabaho, kundi ‘yan ay trabaho ng mga mambabatas sa Senado at Kongreso na hindi niya dapat

pagkaabalahan.

Para bang sinabi na rin niya na gawing legal pati ang smuggling sa bansa ng ilegal na droga, baril at iba pang kontrabando

Sa ilalim ng umiiral na batas RA 4653, mahigpit na ipinagbabawal ang importasyon at pagpasok ng Ukay-Ukay sa bansa.

Pero sa kabila nito, ang ukay-ukay ay nagkalat sa buong bansa na alam naman nating sa Customs ‘yan lahat dumaan at pinayagang makalusot.

Mas makabubuti sigurong mag-resign na lang o palitan itong si Alvarez kung hindi rin lang pala niya kayang gampanan ang tinanggap niyang pwesto para ipatupad ang mga batas.

P100-M regalo ni GMA sa ICTSI

NAKATUTOK ang atensyon ng lahat sa ilalabas na report ngayong araw ng Biyernes ng Incident Investigation Review Committee (IIRC) na binuo ni P-Noy upang himayin ang madugong hostage-taking incident sa Luneta noong Agosto 23.

Ito ay dahil na rin sa ilang kapalpakan na nasaksihan ng buong mundo sa insidente.

Pero hindi dapat palagpasin ang ibang mahahalagang isyu na dapat tutukan ng mga bataan ni P-Noy, lalo na ‘yung may kinalaman sa mga katarantaduhan at pagsasamantalang pinaggagawa ng rehimeng Arroyo.

Isa na rito ay ang mga inilalabas na report ngayon ng Commission on Audit (COA) na parang binabale-wala ng mga bagong opisyales sa kasalukuyang gobyerno at ng magagaling na “spin doctors” na nagsisiksikan sa tanggapan ng Malacanang Communications Group.

Ayon sa COA, walang katotohanan ang sinasabi ng kampo ni GMA na “na-liquidate” o ganap na naipaliwanag ng dating pangulo ang umaabot sa P594 milyon na ginastos ng Office of the President (OP) noong isang taon.

Ang kahindik-hindik pa, sinabi ng mga damuho sa kampo ni GMA na nagbigay daw ng bukod na P447 milyon bilang “financial assistance” si GMA sa may 13 non-government organizations (NGOs) para sa samu’t-saring proyekto ng mga ito na kunya-kunyariang para daw sa mga “mahihirap.”

Akalain n’yo, napunta ang malaking halaga na P100 milyon sa “ICTSI Foundation” ng super bilyonaryong si Enrique Razon.

Si Razon at ang kanyang pamilya ay hindi lamang kilalang “close political ally” ni GMA kundi “treasurer” pa ng partido Lakas-Kampi na ang trabaho bukod sa kanyang negosyo ay humanap at lumikom ng pondo para kay Gloria at sa mga suportado niyang kandidato.

Suspetsa ng COA, dinaan sa “palakasan” at “koneksyon” ang lagayan, este, pagbibigay ng pondo dahil kulang daw ang ICTSI Foundation at ang iba pang nabanggit na NGOs ng mga kailangang dokumento!

Ibig sabihin lang niyan, kung sino ang mayayaman ay ‘yun ang kanilang pinayaman!

Bago ang hostage-taking sa Quirino Grandstand noong Agosto 23, nakatakdang humarap sa mga opisyal ng Maynila itong si Razon at iba pang opisyales ng ICTSI matapos ibulgar ni Vice Mayor Isko Moreno ang “palihim” na ‘reclamation project’ nito sa Isla Puting Bato.

Ayon sa bise alkalde, umabot na sa 12-ektarya ang nabawi ng ICTSI sa Manila Bay sa nakaraang dalawang taon subalit hindi man lang ito nalaman ng mga opisyales ng lungsod.

Sinabi pa ni Moreno, nadiskubre nila na mayroon palang “independent republic of ICTSI” ang nakatayo sa Isla Puting Bato.

“Dinaig pa ng ICTSI ang US Embassy na kahit may ‘sovereign status’ ay nagpapaalam muna sa lungsod tuwing may ginagawa o itinatayo silang konstruksyon sa loob ng embahada,” aniya pa.

Marami ang matutuwa kung ang kasong ito ng ICTSI sa Tondo ay pag-aaksayahang silipin ng Senado at ni DOJ Sec. Leila de Lima.

Abangan!

No comments:

Post a Comment