Monday, January 31, 2011

“Ganid ba ako?”

MATAPOS idiin sa salaping “pabaon” at sandamukal na pondong umano’y naibulsa niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nagawa pang itanong ni dating Defense Sec. Angelo Reyes kung siya raw ba ay naging “suwapang” at “ganid”.

Ikaw naman Sir, nagtatanong ka pa. Nakalimutan n’yo na ba ang kasabihan, ang isda raw ay sa bibig nahuhuli?

Ang nakakatawa, sa kanya pa mismo nanggaling kung ano ang dapat itawag sa mga mandurugas na opisyal sa pamahalaan at sa AFP.

Pero ang hindi natin alam ay kung naitatanong din ‘yan ng dating kalihim kapag humaharap siya sa salamin.

Kayo na lang po ang pumili kung “suwapang” o “ganid” ang dapat itawag sa mga tulad nila.

Ha, ha, ha!

Mga staff ng RP Embassy sa Tokyo bastos na, sinungaling pa!

MYLA DAVID (Japan) – “Parang pinalilitaw na naman ng mga taga-Japan Embassy na ang babait nila. Pweeeh! Magbago na kayo! At maraming salamat sa programa ni Mr. Lapid na Lapid Fire!”

* * *

MARTIN DE LEON – “Tila ‘di yata naiintindihan ni Amb. Manny Lopez kung ano ang tinatawag na imbestigasyon at kung ano ang kaakibat ng kanyang tungkulin. Ang reklamo ay balido, lalo’t ito’y pinatutunayan ng marami. At marapat lamang na imbestigahan. Ang tamang imbestigasyon ay pinatatawag ang ‘complainant/s’ para hingan ng statement, and so on. Mr. Manny Lopez, ‘yan ay tinatawag na administrative case. Ang liham sa iyo ni Pareng Manny ay pagtatakip o pagkunsinti sa kanyang mga tiwaling nasasakupan. Ginagawa nilang masahol pa sa timawa ang mga kababayan natin sa ibang bansa. Tama ka Percy, cover-up ito. Hindi ganyan ang paraan ng tunay na pagiimbestiga. Ako ay nagtrabaho sa gobyerno at naatasan sa napakaraming pagkakataon na mag-imbestiga ng mga reklamo laban sa aming mga empleyado. Kung ‘di mo alam Manny, ang paraan, TUTURUAN KITA! Pekeng ambasador ‘to! Embassy staff lang ang ang binigyan niya ng kunsiderasyon. Nag-imbistiga ka ba Manny Lopez, o nagtanong lang sa isang panig? Kung ganito nga lang ang ginawa mo, ano ang maitatawag mo sa sarili mo?”

* * *

MALOU MONTERO (Japan) – “Parang ‘yon na nga ang nangyayari. Pekeng ambalsamador na ‘yan, eh, ambassador pala. Kahit nagmumura na ‘yung mga staff niya hindi niya naririnig at nakikita. Amb. Manny Lopez, paano na lang ‘yung susunod na mga taong pupunta sa Phil. Embassy sa Tokyo, Japan? Kawawa naman ‘yung mga kababayan namin ditto, lalo na ‘yung ‘kalbo’ diyan at ‘yung kumukuha ng litrato at finger print diyan, masama ang tabas ng bunganga! Kawawa din ‘yung babaeng minura niya, umiyak nang umiyak nung lumabas na sa Embahada.”

* * *

MAHAL DELA SERNA (Japan) – “Haaay! Paano na lang ‘yan? Dito sa Japan, hindi kami puwedeng kumuha ng maid para alagaan ang aming mga anak. Hindi namin puwedeng iwan sa kapit-bahay. At walang kwenta ‘yung sinasabi nilang on-line dahil bio data lang ang kinukuha at kailangan mo pa ring pumunta sa kanila, maghintay nang oras at nakapila pa po kami. Matanong lang po sa kanila, Ano’ng bisa niyang on-line, on-line na ‘yan kung personal apperance pa rin kaming pupunta sa kanila? ‘Yung sinasabi nila ay para sa kanila, paano naman kami? At ‘yung mga ugali nila mga bastos sila na nandiyan sa loob. Psensiya na po kayo, Ka Percy, kasi unfair ‘yung mga sinasabi nila. Nagpapasalamat po kami ng malaki sa inyo, mabuhay po ang inyong programa! Gusto ko lang po ihinga ‘yung nararamdaman ko. Alam namin taga-pagtanggol kuno namin sila pero sila ang umaapi sa amin. Hindi po naman magrereklamo ang mga tao kung susundin nila ‘yung sinasabi nilang mga window na open lahat para hindi kami magsiksikan doon sa maliit na pasilyo, malapit po sa kubeta, nandoon din po ‘yung window para kami magbayad. Kung makita lang sana kami nu’ng atorni sa DFA na sinasabi n’yo, nakakaawa po ang kalagayan namin. Siguro binago na nila kasi may sumbong na sa mga pinaggagagawa nila sa loob. Hindi po masabi ang pangalan kasi wala po silang ID or name plate.”

* * *

JERICHO CRUZ – “Sir Percy, alam n’yo naman ang mga tiwaling opisyal, basta makakalusot, lulusot at lulusot po iyan. Pero ang kalansahan ng isang barangay, kahit itago pa nila, maaamoy at maaamoy din. Pero dahil sa ginawa ninyong aksyon, naniniwala po ako na gagawa na sila ng hakbang para ayusin ang Embahada. Mabuhay ka, Mr. Percy Lapid!”

***

MARVIN SANTOS – “Ka Percy, paki sampolan naman ‘yang mga taga-DFA na ‘yan! Aba, eh halos 3-months bago makakuha ng passport. Tuloy, ‘di nakaabot ang passport ng misis ko sa Italy. Mababayaran ba nila ang pagkakataon naming guminhawa sa buhay na nawala dahil sa punyetang passport appointment system nila? Nakiusap kami sa passport division nila tungkol sa kaso namin pero wala silang pakialam!”

Friday, January 28, 2011

Paliwanag ng DFA at RP Embassy sa Tokyo

INYONG matutunghayan ang liham ni Department of Foreign Affairs (DFA) Asst. Sec. J. Eduardo E. Malaya bilang sagot sa kamakailan ay inilathala nating reklamo mula sa ilang kababayan nating OFW sa Japan laban sa mga aroganteng tauhan ng Philippine Embassy sa Tokyo.

Ang liham ni Assec. Malaya, spokesperson at head ng Public Information Services Unit (PISU) ng DFA, ay base sa isinagawang “imbestigasyon” at paliwanag ng tanggapan ni Ambassador Manuel Lopez laban sa kanyang mga tauhan na ginagawang bisyo ang pambabastos sa mga kababayan nating OFW na dumudulog sa Konsulado ng ating Embahada sa Tokyo. Narito po ang kanilang paliwanag (may petsang Jan. 26, 2011):

Ginoong Lapid:

Gumawa po ng masusing pagsisiyasat ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ukol sa idinulog na reklamo ng ating kababayan sa inyo na inyong isinulat sa Hataw noong 17 Enero 2011.

Narito po ang resulta ng imbestigasyong isinagawa ng Embahada:

1. The Embassy’s Consular Section has been crowded for the first ten (10) days of January due to increased number of applicants. During the date in question, January 12, the Embassy processed a total of 138 passport applications excluding other consular applications like civil registration, notarials, visas and authentication.

2. The Embassy’s Consular Section opens at 9:00 AM and not at 1:30 PM as indicated on the complaint in your column. In order to better manage the flow of applicants (especially during peak days), the Embassy has employed a “numbering system” wherein the first 50 applicants are processed in the morning. The rest, from the 51st applicant onwards are advised to return at 1:30 PM. Their names are recorded in the logbook and they are given numbers upon their return.

3. In addition, the Embassy has instituted an online passport application system to make it more convenient for the public. Each online applicant is given an appointment schedule to avoid the long queues for walk-in applicants.

4. The Consular Section has five (5) separate transaction windows and not only one window as pointed out by the complainant. There is one window each for passport, for civil registration, for notarials, for visa and authentication and for the cashier. Admittedly, the current office configuration is not sufficient to accommodate a fairly large number of applicants. However, the Embassy has always endeavored to facilitate the filing and processing of applications to reduce the waiting time of applicants. The Embassy has also been implementing “an Applicants Only Policy”, except for those bringing their small children or those who need to accompany the elderly and the disabled, to minimize crowding in the public area.

5. The Consular staff confirmed that a lady applicant, who experienced dizziness, was accommodated ahead of the others who were in line. The consular staff said their attention was called by another applicant regarding the condition of the lady. The Consular staff said that “they did not make any unkind remark” to the lady. They said that one of the applicants, who was also in line, joked that they should also be accommodated since “they were also dizzy.” This elicited laughter but the joke was never meant to insult the lady.

6. The Consular staff who processed the lady’s passport application said that the processing went smoothly and without any delay.

7. The Consular staff does not recall any other incident which occurred during that day wherein an applicant was maltreated and insulted as alleged in the complaint.

Samakatuwid, bukas po sa umaga at hapon ang Embahada upang magbigay serbisyo sa mga kababayan nating nasa bansang Hapon. Binibigyan lamang po ng “priority numbers” ang mga aplikante upang mas mapadali ang pagbibigay serbisyo sa lahat.

Gayundin, marami pong bukas na “service windows” na nakalaan para sa iba’t ibang transaksyon ng ating mga kababayan.

Gayunpaman, humihingi po kami ng paumahin kung nasaktan man po ang ating kababayan sa pag-aakalang pinagtawanan siya sa kanyang kalagayan. Hindi po intensyong makasakit ng damdamin ninuman ng ating kawani sa ganoong klaseng sitwasyon.

Ayon kay Ambassador Manuel Lopez, ginagawa po ng Embahada ang lahat upang patuloy na maihatid sa ating mga kababayan ang mabilis, maayos at angkop na serbisyo sa ating mga kapwa Pilipino sa bansang Hapon.

Maraming salamat po.”

Abangan sa susunod ang mga reaksiyon sa “imbestigasyon” at paliwanag ni Amb. Lopez at ng Embahada.

Sunday, January 23, 2011

Mayor Lim pinasalamatan; City hall exec, employees, OsMa doctors pinapurihan!

NOONG nakaraang taon ay dumulog sa atin si Gng. Elvic A. Gomez, 35 yrs old, residente ng #4 Canada Street, Upper Banlat, Tandang Sora, Quezon City.

Sa kanyang liham para kay Manila Mayor Alfredo Lim ay kanyang ipinadla sa atin at itinampok natin sa pitak na ito noong Octber 15, 2010.

Hiningi ni Gng. Gomez ang tulong ni Mayor Lim na tulungan siyang maipagamot ang ‘di karaniwang karamdaman na kanyang taglay, isang uri ng sakit sa balat na kung tawagin ay ‘psoriasis’.

Muli siyang lumiham sa atin upang ipaabot ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Mayor Lim sa mabilis na pagtugon sa kanyang hininging tulong.

Nais rin niyang pasalamatan ang chief of staff ng alkalde na si G. Ric de Guzman at ang mga empleyado sa Office of the Mayor, pati na ang mahuhusay at mababait na doctor sa Ospital ng Maynila (OsMa) na tumulong sa kanya. Narito po ang kanyang liham:

“Dear Sir Percy,

This is in reference to my open letter for Mayor Lim which was published on your co-lumn last October 15, 2010. I was the one who was asking for medical assistance at Ospital ng Maynila.

Pleased to inform you sir, that I am having my regular check ups there since Dec. 1, 2010, and still going.

I hope it wouldn’t be too much for my asking if I can extend my sincerest gratitude, first; to Mr. Ric de Guzman, COS of Manila Mayor Alfredo Lim who personifies the true essence of what a public servant is, treating each and everyone fairly, letting us sit and wait for our turn to be accommodated in his table, be it that we have carry a special note or none. Also, I admire his addressing those that were in coats and ties, and those in their slippers the same ‘Sir/Madam’. Truly, a public servant.

Hats-off too to the front desk staff of the Office of the Mayor, because in my 20 minutes of waiting in the lobby, I saw how their patience was for attending painstakingly and patiently to persistent, insistent and sometimes, a bit rude constituents.

I will always be indebted to Mayor Alfredo Lim and the City of Manila for not limiting its service to the Manilenians.

Also, I would like to give my heartfelt thanks to the doctors of Ospital ng Maynila - Derma Department - particularly to Dr. Aileen Morales and Dr. Jema Fajardo Bautista who accommodated me inspite of my being a non-Manila resident.

Though I hadn’t been able to undergo PUVA (machine still needs some repairs), they have provided me with the maintenance medicines and the encouragements I so badly needed to recover faster.

Also, they had encouraged me to join a support group, which has given me the inspiration to join Psoriasis Philippines (PsorPhil) wherein I was warmly welcomed by its founder, Mr. Josef de Guzman, and its members, and I am pleased to inform you too, that I am currently 1 of the Junior Moderators of PsorPhil.

Lastly, my highest regard to the person who made all this possible by accommodating my humble letter in his column. I wouldn’t be able to step forward to reclaim the normalcy in my life if you hadn’t given me the chance to reach out to the right people.

Maraming salamat po, Mr. Percy Lapid! Mabuhay po kayo at more power po. God bless you!”

Reaksiyon pa sa mga bastos na staff ng RP Embassy sa Tokyo
BASAHIN ang ilan pang reaksiyon mula sa mga listener ng ating programa sa radyo at readers ng ating kolum laban sa mga abusadong tauhan ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan na imbes magserbisyo ng matino ay ginagawa pang bisyo ang pambabastos sa mga kababayan nating OFW:

MARICOR (New York, USA) – “There’s nothing worse than a group of uncivilized animals working in one place. Saan ba pinagdadampot ang mga barbaric na mga walang breeding na iyan? Shame on you all, ang kakapal ng mga pagmumukha, ‘andiyan kayo para maglingkod sa mga kababayan ninyo! Kung hindi aalisin ang mga bastos na ‘yan, maybe our government should provide ‘latigos’ ang chains para lubusin na ninyo ang pag-torture sa mga Pilipino sa Japan. We are watching you, we need results, heads rolling! Hello, sooo rude! Kakairita, sarap kunan ng litrato mga ugly faces nila at i-post sa internet. Nag-ID pa kayo, tinatago naman ninyo.! Get rid of these buffoons back to the jungles where they belong. Arrogants, bullies…jerks! Baka magmakaawa pa ang mga iyan at magsinungaling, lalo na ‘yung kalbong mukhang mutant. Bastos! Please keep us posted, Lapid Fire!”

Thursday, January 20, 2011

Pambabastos sa OFWs ng RP Embassy staffs sa Tokyo kinondena

DINAGSA ng reaksiyon ang sumbong ng ating mga kababayang OFW laban sa mga arogante at bastos na empleyado ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan.

Ang reklamo na ipinag-utos imbestigahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay magkasunod nating itinampok nito lamang nakaraang Lunes at Miyerkoles sa pitak na ito at sa ating programang ‘Lapid Fire’ sa DWIZ (882 Khz/AM band) na sabayang napapakinggan at napapanood ng live sa buong mundo via ustream.tv/channel/lapidfire-dwiz sa internet, mula 12:00 mn - 1:00 am, Lunes hanggang Biyernes .

Tunghayan ang ilan lamang sa ipinadalang reaksiyon sa atin:

L. DE GUIA (Japan) – “Totoo pong mga walanghiya ang mga tao dito sa loob nang Embahada ng Tokyo, Japan, wala silang awa sa kapwa nila Pilipino. Ang nangyari naman sa amin ay umuulan, hindi kami pinapasok sa loob, pinapabayaan kami sa labas na basang-basa sa ulan. At ‘yung kasama ko, may dala pang mga anak n’ya, malayo pa po ang pinanggalingan namin. Pumunta kami nang maaga para mauna sa linya, kailangan namin ma-renew ang expired naming passport para nga makauwi diyan sa ‘Pinas at ito po ang ginawa nila sa amin? At kaunting pagkakamali lamang sa papel or dokumento, hindi tama ang size, pinapabalik nila kami para i-zerox uli at balik ka uli sa dulo ng linya. Pahirap po ang binibigay nila sa kapwa mga Pinoy, wala po silang awa sa mga may trabaho pa sa gabi at malayo pa ang inuuwian, at may mga maliliit pang anak na dala-dala. Magpapasalamat kami ng malaki kung mabigyan ng katarungan ‘yong mga asal ng Phil. Embassy rito sa Tokyo, Japan na mayayabang at mga bastos, akala mo sila lang ang tao sa mundo! Ang pangbabastos n’yo sa mga kapwa n’yo Pinoy at Pinay ay dapat lang ireklamo. Sa totoo lang, wala kayong karapatan sa inuupuan n’yo ngayon. Mga bastos kayo sa Phillipine Embassy ng Tokyo! Sana po dinggin ninyo ang mga reklamo namin dito, palagi po kaming nakikinig sa programa n’yo. Mabuhay po ang LAPID FIRE! Salamat po!”

* * *

TIGRA DU (Manila) – “Your program is really a big help! Narinig ko nga ho the other nite sa programa n’yo aside from having read them in your newspaper column.”

* * *

HIROYUKI (Tokyo, Japan) – “Yes it’s true, kung wala ang programa at kolum ni Mr. Percy - ang Lapid Fire- masakit isipin ‘yung pambabastos sa amin. Oo, kasama ako, siksikan ang haba ng pilang pinahirapan n’yo. Konting mali sa papel ko pinabalik n’yo ako sa likod ng pila para mag-zerox ulit, naninigaw pa kayo! Nag-panic ako dahil ipinahiya n’yo pa ako sa maraming tao, mga bastos kayo! Hindi n’yo ba alam na pinadala kayo rito para tulungan kami, hindi para babastusin? May narinig pa ako sa inyo diyan sa isang Pilipino, lumapit din sa inyo anong sabi n’yo diyan sa loob? Papunta-punta pa kasi dito sa Japan. Dapat bang sabihin ‘yan sa Pinoy na nandidito na sa Japan? Mga walanghiya kayo, maglagay kayo ng ID para may pangalan kaming mabanggit, huwag n’yong itago ang pangalan nyo! Mayayabang!”

* * *

MYLA DAVID (Japan) – “Dapat lang na ‘di tinatago ang mga ID nila para madali silang makilala. May itinatago ba sila kaya ayaw nilang magpakilala sa mga tao? Isa na rin ako sa nakaranas niyan, buti na lang may nagreklamo na! Abusado na kayo, eh! Salamat ng marami kay Mr. Percy Lapid dahil may pumukaw sa mga bastos na pag-uugali ng mga taga Tokyo Embassy! ‘Buti na lang may LAPID FIRE! Banzai!”

* * *

VIRGIE ONG (QC) – “Percy, pity those OFW. Malaking sacrifices para magtrabaho sa ibang bansa para kumita ng kaunti for their family.”

* * *

EDGIE F. GO – “Ganyan ba ang mga pinapasuweldo natin sa mga hayop na ‘yan na kung tawagin pa naman eh embalsamador, este. ambassador para lang bastusin ang mga OFW natin na kung tawagin natin eh bagong bayani?”

* * *

MARTIN DE LEON – “Dito natin makikita kung ano ang sinasabi ni P-noy na tuwid na landas. Balasahain AGAD ang Embahada sa Japan. Pagkuha pa lang ng dokumento ‘yan. Paano na kung pagsagip ng buhay? Isang Pinoy na tatakbo diyan sa pag-asang santuaryo ‘yan para sa kanya?”

* * *

RURIK SANCHEZ – “Sobra pa sa bastos, mga P.I. ‘yang mga ‘yan na staffs ng Phil. Embassy sa Japan! Mga dorobo, linta! Lahat na ng kawalanghiyaan nasa kanila, mula’t sapul bastos na ‘yang mga ‘yan!”

* * *

TSUBAMI SAWADA (Japan) “Dapat sa inyo pauwiin na kayo, mga bastos! Baka meron pa kayong matinding gawin sa kabayan namin diyan sa Tokyo. Hindi pala kayo asal-tao, mga mayayabang! Sa kubeta kayo ng ‘Pinas nababagay magtrabaho! Mga feeling diplomat (kuno)!

* * *

JOY (Tarlac City) – “Salamat sa pagtulong n’yo sa ating mga kababayan. Dapat paalisin ‘yan panot na empleyado ‘yan sa Phil. Embassy, tutal maraming walang trabaho. Kasi baka pagalitan lang ng konti kaya wala din mababago sa ugali, paulit-ulit lang.”

Tuesday, January 18, 2011

MGA BASTOS NA TAUHAN NG EMBASSY SA TOKYO PINAIIMBESTIGA NG DFA

INATASAN na raw ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Ambassador Manny Lopez para imbestigahan ang reklamo laban sa mga “bastos” na empleyado ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan.

Ito ay matapos nating ilathala sa pitak na ito noong Lunes ang reklamo na ipinarating ng mga kababayan nating OFW sa Japan na listeners ng ating programang ‘Lapid Fire’ sa DWIZ (882 Khz/AM band) viaustream.tv/channel/lapidfire-dwiz sa internet.

Sa natanggap nating tawag kamakalawa ng hapon, sinabi ni DFA spokesman Asst. Sec. Ed Malaya sa inyong lingkod na ang naturang reklamo ay agad nilang ipinarating kay Amb. Lopez upang imbestigahan ang reklamo laban sa kanyang mga tauhan sa Embahada.

Nakiusap si Atty. Malaya na kapag lumabas na ang resulta ng imbestigasyon ng Embahada sa Tokyo ay saka na siya magpapaunlak sa paanyaya nating makapanayam siya sa ating programa sa radyo upang makunan ng pahayag tungkol sa reklamo.

“KALBO” RAW ANG BASTOS

BUKOD sa tawag, tumanggap din tayo ng text mula kay Assec. Malaya na inyong mababasa.

Pero bago ang nasabing text, idadagdag muna natin ang ilan pang isyu at reklamo na hindi kasama sa nauna nating kolum:

Isa sa mga tarantadong empleyado na umano’y nambabastos ng kapwa niya Pinoy at nakatalaga sa window booth ng Embahada noong Jan.12, ayon sa reklamo, ay “KALBO”. (Sa madaling sabi ay kalbo na ang ulo, kalbo pa ang utak.); at

Hindi rin daw nagbibigay o nagbabalik ng sukli sa mga nagbabayad ang nakatalaga sa cashier.

Ang hindi ko lang alam ay kung nagbibigay na ng kaukulang “OFFICIAL RECEIPT” ang Embahada natin ngayon sa Tokyo, isang requirement sa batas na nadiskubre nating hindi sinusunod at binabalewala sa paniningil at mga transaksiyones ng Embahada sa Tokyo noong dekada ’80.

Bakit ba hapon na, 1:30 pm, binubuksan ang embahada sa Tokyo at hindi ito alam ng mga Pinoy na naninirahan at nagta-trabaho doon?

At bakit walang holding area na komportable para sa ating mga kababayan habang naghihintay sila kung kelan sila gustong harapin ng mga tauhan ng Embahada?

Hindi n’yo naitatanong, ang inyong lingkod ay matagal na namalagi sa Japan bilang legitimate entertainer mula pa noong dekada ’70.

Ang mga reklamong inilathala natin ay wala sa kalingkingan ng mga nalalaman kong kagaguhan at milagrong nakatago sa likod ng Embahada natin sa Tokyo.

Pero ang tungkol diyan ay sa ibang pagkakataon na natin muling bubusisiin at hahalukayin.

Samantala, narito po ang text message ni Assec. Malaya sa atin kamakalawa ng gabi:

“Ipinarating ng DFA sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ang reklamo na idinulog n gating kababayan sa inyong programang Lapid Fire sa DWIZ at hinihingan ng ating department ng explanasyon ang Embahado tungkol sa reklamo.

Sa aming palagay, dapat palaging professional at maayos ang pakikitungo ng ating mga kawani sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa at sa lahat ng iba pang tao, kaya inatasan ng Departamento ang Embahada na mag-imbestiga at magbigay linaw sa reklamo, at kung nauukol, magpataw ng administratibong sanction sa mga dapat managot.”

Nagpapasalamat tayo kay Assec. Malaya sa kanyang pagtugon at harinawa ay magkaroon sana ng resulta ang mga naturang reklamo alang-alang sa bansag na mga “Bagong Bayani”.

TAKOT MAGREKLAMO, BAKA RAW

IPITIN NG EMBASSY ANG PASSPORT

M. MONTERO (Tokyo, Japan) – “Maraming gustong mag-reklamo rito Ka Percy pero natatakot, baka daw ipitin yung mga dukomento nilang nakapasok na sa loob ng Embahada rito sa Tokyo, Japan. Paano ang gagawin naming? Next month, kailangan naming magpa-extend ng aming visa rito sa Tokyo Immigration. Kung iipitin nila ‘yung pasaporte naming, magiging over stay po kami rito. ‘Yan po ang reklamo ng isang Filipina na naginginig sa takot.”

Sunday, January 16, 2011

Mga tauhan ng RP Embassy sa Tokyo, Japan, puro bastos!

WALA na sigurong mas masakit pa para sa isang OFW kundi ang bastusin, hiyain at pagmalupitan ng kanyang kapwa Pinoy na inaasahan niyang tutulong at karamay niya sa sandali ng pangangailangan.

Ganito mailalarawan ang sentimiyento ng isang Pinay na luhiham sa atin upang ang kanyang reklamo at hinaing ng mga kababayan nating OFW laban sa mga aroganteng tauhan ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan ay makarating sa kinauukulan.

Ika-12 ng Enero, isang Pinay ang tumawag sa atin upang ireklamo ang masamang pagtrato sa kanya ng mga nakatalagang empleyado sa Philippine Embassy. Siya ay matagal nang naninirahan sa Tokyo subali’t pansamantala muna nating itatago ang kanyang pangalan.

Siya ay isa lamang sa lumolobong bilang ng mga listener ng ating programang “Lapid Fire” sa DWIZ (882 Khz/AM band), 12:00 mn to 1:30 am, na sabayang napapanood at napapakinggan sa buong mundo via ustream.tv/channel/lapidfire-dwiz sa internet.

Pahapyaw nating natalakay sa programa ang tungkol dito noong Jan. 12 matapos makarating sa amin ang kanyang E-mail.

Sa ipinadala niyang liham sa atin (may petsang Jan.12), ikinuwento rin niya ang hindi wasto at masamang pakikitungo ng mga aroganteng empleyado ng Embahada natin doon laban sa mga kababayan nating Pilipino na dumudulog sa kanila.

Nais niya at ng mga kababayan natin na makarating ang mga bagay na ito sa kaalaman ng mga natutulog na tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang kumilos.

Ayon sa kanyang liham, alas-8:00 ng umaga noong Jan. 12, umalis na siya ng bahay para pumunta sa Philippine Embassy kahit medyo masama ang kanyang pakiramdam upang magpa-renew ng kanyang passport. Ang ating Embahada ay matatagpuan sa Azabu Juban, Ropponggi, Tokyo

Alas 9:30 ng umaga siya dumating at dinatnan na niya ang mahabang pila ng mga Pinoy. Pero ang sabi raw ng guwardiya ay bumalik na lang sila dahil 1:30 pa ng hapon magbubukas ang Embahada kaya 4 na oras pa ang ipinaghintay nila habang sa labas ng Embahada na wala silang komportableng masisilungan upang maibsan ang sobrang ginaw na nadarama.

Ang iba sa kanila, lalo na ang mga ina na mula pa sa malalayong lugar sa Japan at bitbit kanilang maliliit na anak na nag-iiyakan sa matinding lamig.

Nang papasukin na sila sa loob ay mahaba ang pila sa masikip na pasilyo ng Embahada dahil “one-window booth” lamang ang binuksan kaya nagsisiksikan sila imbes na buksan lahat upang mapabilis at ang lahat ay mapagserbisyuhan.

Gano’n din daw ang bintana ng cashier, isang bintana lang ang binuksan kung kaya’t naging mabagal ang kanilang pagbabayad.

Marami pa naman sa kanila ang kailangang makabalik sa kani-kanyang lugar na pinanggalingan at kailangang pumasok pa sa trabaho.

Buti na lang daw, may isang Pinoy sa pila na nahalatang masama ang kanyang pakiramdam kaya nagmagandang loob na nakiusap sa mga empleyado na kung maaari ay unahin na lamang siyang asikasuhin.

Pagpasok daw niya sa loob ng counter, isa sa mga Embassy staff ang biglang umarte at nagsalitang siya rin daw ay nahihilo. Nang marinig ito ng ibang staff ay sabay-sabay daw na nagtawanan, sa pag-aakala marahil na ang pobreng Pinay ay umaarte lamang.

Sumunod nilang narinig na tinawag ang isang Pinay para sa finger print at passport photo na matapos sigawan ay inalipusta pa ng isang Embassy staff na lalake.

Sinabihan umano ang kawawang Pinay na: “Gaga! Ang bobo mo talaga! Ang tanda-tanda mo na hindi mo pa rin alam kung alin ang kaliwa at kung alin ang kanan!”, sabi raw ng punyetang empleyado.

Ganito ba tinatrato ng mga “hijo de punyeta” sa gobyerno ang OFWs na kung tawagin ay mga “Bagong Bayani”?

Abangan sa mga susunod ang karugtong!

Monday, January 3, 2011

Si ES Ochoa at ang ‘arrogance of power’

DAHIL sa pagtupad ng kanyang tungkulin, malaking kamalasan ang inabot ng isang pulis ng Bureau of Customs (BOC) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaya siguradong malungkot nilang ipinagdiwang ng kanyang pamilya ang pagsalubong sa Bagong Taon. .

Noong nakaraang linggo, sinibak si SA1 Roberto Ramos sa kanyang pwesto bilang bantay sa arrival gate ng NAIA Terminal 2.

Ano ang dahilan, bakit nasibak ang Customs police na si Ramos?

Dumating daw si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., nitong Dec. 28 sakay ng isang flight mula sa Singapore.

Pagdaan ni Ochoa palabas ng gate, hinanapan siya ni Ramos ng Customs “baggage declaration,” ang pangunahing tungkulin na dapat gampanan ng sinomang bantay na ipinatutupad sa kaninomang pasahero na dumarating sa bansa.

Hindi ito nagustuhan ni Ochoa at pinagsabihan pa raw si Ramos na: “Yan lang naman ang trabaho n’yo e, ang manita.”

Huli na nang malaman ni Ramos na si Ochoa ang kausap niya matapos gumitna ang isang kasamahan niyang Customs police.

Sa salaysay ni Ramos, magalang naman daw niyang hinanapan ng baggage declaration ang punong kalihim ng Palasyo kahit pasigaw pa umano siyang sinagot nito ng: “Wala ako niyan!” ani raw ni Ochoa.

Mabilis na nakarating sa isang mataas na opisyal ng Customs ang pangyayari at si Ramos ay agad na sinibak sa kanyang pwesto.

Kasabay ng pagsibak sa kanya, si Ramos pa ang naatasang gumawa ng salaysay upang ipaliwanag ang simpleng pagtupad lamang niya sa tungkulin.

Siguradong si Ochoa ang nag-utos sa mataas na opisyal ng Customs na ipasibak ang pulis dahil bago raw siya tuluyang umalis sa NAIA ay ipinagtanong pa muna niya ang buong pangalan ni Ramos.

Siyempre, dahil makapangyarihang nilalang sa kasalukuyang administrasyon si Ochoa kaya napakaraming nag-uunahan na magpakita ng katapatan sa kanya upang makapagsipsip.

Sa madaling sabi, ayaw pala ni Ochoa na may sisita sa kanya kaya dapat ay nagpasundo siya sa mga matataas na opisyal ng Customs o sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG). (Ang tawag diyan ay VIP treatment, kahit itanong mo pa kay NAIA Gen. Manager Jose Honrado.)

Kung matinong tao at opisyal ng administrasyong P. Noy itong si Ochoa, dapat pa nga ay papurihan niya si Ramos, kundiman parangalan, dahil siya na nga mismo ang nakasaksi na ginagampanan niya ang trabaho at walang sinisino. Hindi ba “matuwid na landas” ang tawag diyan?

Tuwid na landas ni P-Noy, binaluktot ni Ochoa

BAGO ang kapaskuhan, kitang-kita ng dalawang mata ko ang convoy ng mga sasakyan ni P. Noy na nakatigil sa kanto malapit sa Manila Hotel at hindi umusad hangga’t hindi naka-go ang signal light.

Malayong-malayo si Ochoa sa ipinamamalas ni P. Noy na “leadership by example.”

Kung may dapat ipasibak si Ochoa sa Customs ay ‘yung sandamakmak na magnanakaw na hanggang ngayon ay nakapwesto pa at ngayon ay sa administrasyon naman ni P. Noy gustong magsipsip.

Katulad ba ni Ochoa ang mga nakapaligid kay P. Noy na kasama niyang tatahak sa “matuwid na landas?”

Ngayon ako naniniwala na bukod sa alak, si Ochoa ay madaling malasing sa kapangyarihan.

Sakaling hindi alam ni Ochoa, ang tawag diyan ay “arrogance of power!”