WALA na sigurong mas masakit pa para sa isang OFW kundi ang bastusin, hiyain at pagmalupitan ng kanyang kapwa Pinoy na inaasahan niyang tutulong at karamay niya sa sandali ng pangangailangan.
Ganito mailalarawan ang sentimiyento ng isang Pinay na luhiham sa atin upang ang kanyang reklamo at hinaing ng mga kababayan nating OFW laban sa mga aroganteng tauhan ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan ay makarating sa kinauukulan.
Ika-12 ng Enero, isang Pinay ang tumawag sa atin upang ireklamo ang masamang pagtrato sa kanya ng mga nakatalagang empleyado sa Philippine Embassy. Siya ay matagal nang naninirahan sa Tokyo subali’t pansamantala muna nating itatago ang kanyang pangalan.
Siya ay isa lamang sa lumolobong bilang ng mga listener ng ating programang “Lapid Fire” sa DWIZ (882 Khz/AM band), 12:00 mn to 1:30 am, na sabayang napapanood at napapakinggan sa buong mundo via ustream.tv/channel/lapidfire-dwiz sa internet.
Pahapyaw nating natalakay sa programa ang tungkol dito noong Jan. 12 matapos makarating sa amin ang kanyang E-mail.
Sa ipinadala niyang liham sa atin (may petsang Jan.12), ikinuwento rin niya ang hindi wasto at masamang pakikitungo ng mga aroganteng empleyado ng Embahada natin doon laban sa mga kababayan nating Pilipino na dumudulog sa kanila.
Nais niya at ng mga kababayan natin na makarating ang mga bagay na ito sa kaalaman ng mga natutulog na tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang kumilos.
Ayon sa kanyang liham, alas-8:00 ng umaga noong Jan. 12, umalis na siya ng bahay para pumunta sa Philippine Embassy kahit medyo masama ang kanyang pakiramdam upang magpa-renew ng kanyang passport. Ang ating Embahada ay matatagpuan sa Azabu Juban, Ropponggi, Tokyo
Alas 9:30 ng umaga siya dumating at dinatnan na niya ang mahabang pila ng mga Pinoy. Pero ang sabi raw ng guwardiya ay bumalik na lang sila dahil 1:30 pa ng hapon magbubukas ang Embahada kaya 4 na oras pa ang ipinaghintay nila habang sa labas ng Embahada na wala silang komportableng masisilungan upang maibsan ang sobrang ginaw na nadarama.
Ang iba sa kanila, lalo na ang mga ina na mula pa sa malalayong lugar sa Japan at bitbit kanilang maliliit na anak na nag-iiyakan sa matinding lamig.
Nang papasukin na sila sa loob ay mahaba ang pila sa masikip na pasilyo ng Embahada dahil “one-window booth” lamang ang binuksan kaya nagsisiksikan sila imbes na buksan lahat upang mapabilis at ang lahat ay mapagserbisyuhan.
Gano’n din daw ang bintana ng cashier, isang bintana lang ang binuksan kung kaya’t naging mabagal ang kanilang pagbabayad.
Marami pa naman sa kanila ang kailangang makabalik sa kani-kanyang lugar na pinanggalingan at kailangang pumasok pa sa trabaho.
Buti na lang daw, may isang Pinoy sa pila na nahalatang masama ang kanyang pakiramdam kaya nagmagandang loob na nakiusap sa mga empleyado na kung maaari ay unahin na lamang siyang asikasuhin.
Pagpasok daw niya sa loob ng counter, isa sa mga Embassy staff ang biglang umarte at nagsalitang siya rin daw ay nahihilo. Nang marinig ito ng ibang staff ay sabay-sabay daw na nagtawanan, sa pag-aakala marahil na ang pobreng Pinay ay umaarte lamang.
Sumunod nilang narinig na tinawag ang isang Pinay para sa finger print at passport photo na matapos sigawan ay inalipusta pa ng isang Embassy staff na lalake.
Sinabihan umano ang kawawang Pinay na: “Gaga! Ang bobo mo talaga! Ang tanda-tanda mo na hindi mo pa rin alam kung alin ang kaliwa at kung alin ang kanan!”, sabi raw ng punyetang empleyado.
Ganito ba tinatrato ng mga “hijo de punyeta” sa gobyerno ang OFWs na kung tawagin ay mga “Bagong Bayani”?
Abangan sa mga susunod ang karugtong!
No comments:
Post a Comment