Friday, October 29, 2010

Anomalya sa HGC

DAPAT suportahan ang panawagan ng ilang mambabatas, partikular si Rep. Bernadette Herrera ng Bagong Henerasyon partylist, na talupan at busisiin ng Kongreso ang mga alingasngas at kontrobersiya na bumabalot sa Home Guaranty Corporation.

Ang HGC ay isang kompanya ng gobyerno (GOCC) na nagbibigay garantiya sa mga pautang sa pabahay at isa sa mga sinasabing “milking cow” ng mga alipores ng nagdaang administrasyon ni GMA.

Sa pagsisimula ng ika-15 Kongreso, marami ang nagulantang nang mabisto ang mga naglalakihang sweldo at benepisyo ang mga administrador at natalagang opisyales sa mga GOCC katulad sa SBMA, MWSS, GSIS at marami pang iba.

At sa gagawing pagbusisi sa rekord ng HGC sa ilalim ng pamumuno ni Mr. Gonzalo Benjamin Bongolan, natitiyak natin na hindi “mabibigo” ang ating mga mambabatas kung kontrobersiya rin lang ang gusto nilang matuklasan.

Mantakin ninyo, baon sa utang ang HGC pero sa nalaman ng Commission on Audit (COA), mahigit P224 milyon ang “isinubi” ng grupo ni Bongolan para sa kanilang “separation package.” Talaga naman!

Itong si Bongolan at ang kanyang mga kasabwat, este, mga kapwa-opisyal, ay matagal nang may binubunong mga kaso ng katiwalian sa Ombudsman.

Marami rin umanong pinasok na mga kwes-tyonableng transaksyon ang HGC sa ilalim nitong si Bongolan na dapat lang talagang maliwanagan dahil apektado rito ang ating pambansang badyet!

Ang gobyerno kasi ang “guarantor” sa mga transaksyon ng HGC kaya kung malugi o pumalpak ang mga transaksyong ito, tayong mga Pinoy ang papasan ng bigat ng pagbabayad.

At sa pagsisiyasat ni Rep. Herrera, 2002 pa lang ay marami nang “sablay” sa mga transaksyon ng HGC!

Isa umanong halimbawa rito ay ang mga bentahan ng lupain ng HGC d’yan sa Vitas, Tondo, Maynila, kung saan may P300 milyon ang nasisilip na lugi ng gobyerno dahil “below the prevailing market prices” ang naging transaksyon!

Ang tanong natin kay Mr. Bongolan: Kung nalugi ang gobyerno, sino naman kaya ang kumita, aber?

At siyempre, ang imbestigasyon ng Kongreso sa HGC ay dapat magbigay-linaw sa lahat ng katanungang gustong masagot ng publiko.

SENADO, TAHIMIK SA SARILING KATIWALIAN

ED BERNARDINO – “Ka Percy, sa Vietnam muling inulit ni P-Noy ang naging pangako niya noong nakaraang eleksiyon na susugpuin niya ang corruption sa ating bansa. Nabanggit din niya na sa simula ay mahirap nga ito pero pag may nasampolan na, magiging mabilis na ang lahat. Ang kaso, may ilan na gustong manatili ang lumang daan. Hindi lang likong daan ang iniwan ng dating administrasyon kundi ito din ay paakyat na daan. Tingnan na lang natin ang nabunyag na mga malalaking allowances ng mga executives sa senate secretariat kung saan doble o triple ang halaga, kumpara sa buwanang suweldong tinatanggap nila. Bakit naging tahimik dito ang senado samantalang sila ang nag-iimbestiga ng mga katiwalian? Dito higit na kailangan ni P-Noy ang mamamayan dahil malalaking government institutions, kabilang na ang judiciary at legistative, ang babanggain niya. Sa mga Pilipino sana maging mapagmatyag tayo sa mga nangyayari at maging handa tayong ihayag ang supporta natin sa Pangulo na nagsusumikap maging maganda ang buhay nating lahat. Kung ayaw naman natin, maging tagamasid na lang tayo na naghihintay ng pagbasak ng bayabas kagaya ni Juan. Maganda din ang ginagawa ng COA ngayon hindi kagaya ng nakaraang kung saan ang mga reklamo ay hindi umaabot sa main office, palibhasa naging kalakaran noon ang corruption.”

Wednesday, October 27, 2010

Ang punyetang EO 887-A ni GMA

“KAYO ang aking boss” at “tatahakin natin ang tuwid na landas.”

‘Yan ang mga katagang sinabi ni Pang. Noynoy Aquino sa kanyang ‘inaugural speech’ noong Hulyo matapos manalong pangulo, ang mga kataga na hindi basta malilimutan ng maraming Pilipino.

Pagkatapos ng siyam na taon ng buktot na rehimen ni Arroyo, ngayon lang ulit “naipaalala” sa atin kung sino ba talaga - sa ilalim ng isang bansang demokratiko - ang dapat paglingkuran ng mga namumuno sa pamahalaan.

At dahil si Juan dela Cruz ang talagang boss ni P-Noy at ng kanyang administrasyon, iminumungkahi natin ang agarang pagbasura sa pagpapatupad sa isang Executive Order.

Bakit?

Kasi, kung maraming ‘midnight appointees’ na pinirmahan at tinangkang palusutin itong si REGLA (as in Rep. Gloria Arroyo) para ipuwesto sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, meron din siyang mga batas na nilagdaan.

Midnight Decree

ANG tinutukoy natin na dapat ibasura ay walang iba kundi ang EO 887-A na kung tawagin ay ‘motor vehicle development program’.

Nilagdaan ni Regla ang “Midnight EO” sa kalaliman ng hatinggabi noong Hulyo 3, tatlong linggo bago siya bumababa sa Malakanyang matapos itakwil ng sambayanan ang kanyang mga pinakawalang kandidato laban kay P-Noy.

Kung pag-aaralan, matinding kahayupan sa industriya ng mga sasakyan ang isinasaad sa Midnight EO na pinalusot ni Regla.

Maliwanag na ‘COMPLETE MONOPOLY’ sa industriya ng mga behikulo ang bukod-tanging tinutumbok ng Midnight EO kahit patiwarik pa nating basahin.

Sa madali’t sabi, ang EO ay naglalarawan sa pagmumukha ni at masagwang pagkatao ni Regla na hindi maikukumpara kahit kay Hitler.

Gagamitin ang EO para PATAYIN ang imported second-hand car and truck industry sa bansa na siyang nagsu-supply ng malaking bilang ng mga delivery truck, vans, panels, etc., etc., na bumibiyahe ngayon sa ating mga lansangan.

Monopolyo na nga ng mga ‘car manufacturer’ ang bentahan ng kotse at ngayon naman ay gusto pang sagpangin para makopo pati ang bentahan ng delivery trucks na siyang naghahatid araw-araw sa mga palengke ng ating mga batayang pangangailangan tulad ng bigas, karne, manok, gulay, isda, etc., etc.

Ang monopolyo ay hindi lang labag sa prinsipyo ng “free trade” sa sistemang kapitalista tulad sa ating bansa at labag din ito sa konsensiya.

Sakaling ganap na maipatupad ang monopolyo sa pamamagitan ng EO 887-A, asahan ang pagsirit pataas ng mga presyo ng bilihin at ang kawalan ng hanap-buhay sa hanay ng mahigit 120,000 manggagawa sa industriya.

Apat hanggang limang beses ang presyo ng mga bagong sasakyan kumpara sa mga imported second-hand vehicles.

Kayo na ang tumuos: Sakali kayang mangyari ang gusto ng mga monopolista, saan sa palagay n’yo babawiin ng mga biyahero ang gastos nila sa bago nilang mga delivery van at truck? Saan pa ba kundi sa presyo ng kanilang mga paninda.

Suma-tutal, ang EO 887-A ay isa na namang patunay na basta may monopolyo sa negosyo, ang resulta ay mas mataas na “inflation rate” at pagkagutom sa hanay ng mga manggagawa. Patay ang biday sa huli dahil gegewang na patagilid ang ating ekonomiya!

Kung duda ang marami sa appointees ni Regla kaya pinasisibak sila ni P-Noy sa puwesto, hindi ba mas higit na dapat siyang magduda sa mga “huling hirit” na batas na pinalusot nito, gaya ng EO 887-A?

Ibasura ang punyetang EO 887-A na ‘yan!

Friday, October 22, 2010

Manalili ng BBS-PBS sinipa pero kapit-tuko

AYON sa text ng mga impormante natin, tuluyan nang sinipa sa Bureau of Broadcast Services (BBS) si John Manalili bilang director at si Monina Cespedes bilang deputy director.

Pero ang problema, kapit-tuko na nagmamatigas pa raw itong si Mananlili at ayaw kilalanin ang order ng Malakanyang para lisanin ang kanyang puwesto.

Si Manalili ay napuwesto sa pakiusap ni Gov. Lila “Baby” Pineda kay GMA.

Narito ang info-text message ng impormante natin mula sa Philippine Broadcasting Service (PBS), ang network ng BBS na pinatatakbo sa ilalim ng Communications Group (dating OPS):

“Sir, we are happy Manalili and Cespedes are out in the Philippine Broadcasting System. We owe this from you. We’re wating for the lifestyle checks on ORTIGUERO, MARUCOT, PINLAC, etc. But rumors circulating here that Manalili refuses to relinquish his post and has filed his protest/case at the Civil Service Office. Kapal talaga! Ortiguero et al, naman ay ‘di mapakali sa rumors ng lifestyle check. Again, thanks and more power!”

Siya na nga itong isinasangkot sa katiwalian na dapat masampahan ng kaso pero siya pa ngayon ang may ganang magreklamo? Ha-ha-ha!

Puwes, abangan na lang ang mga umaalingasaw na baho na ating pasisingawin tungkol sa mga damuhong opisyal at empleyado sa BBS-PBB.

Subaybayan!

Salamat kay Dr. Martin at staff ng mother and child hospital!

IPINAABOT ni G. John Flores ng San Jose Del Monte City ang pasasalamat kay Manila Mayor Alfredo Lim at sa butihing director ng Mother and Child Maternity Hospital na si Dr. Teodoro Martin para sa libreng operasyon kay Gng. Jenny San Juan kamakailan na idulog sa inyong lingkod.

Narito po ang liham pasasalamat ni G. Flores na may petsang Oct. 12:

“Dear Mr. Percy Lapid,

Pagbati sa inyong makabuluhang palatuntunan sa radio!

Ako po ‘yung nakaraang humingi ng tulong sa inyo para sa isang pasyenteng matapos ma-operahan sa panganganak ay nagkaroon ng problema na nangangailangan ng panibagong operasyon.

Ang pasyente po ay si Mrs. Jenny San Juan, nanganak noong June 24 (araw ng Maynila) sa Mother and Child Maternity sa Binondo, Maynila.

Matapos ang aking ginawang pagdaing sa inyo, agad na sumagot si Dr. Teodoro Martin, director ng nasabing ospital. At ayon sa kanya, ang pasyente ay walang anumang gagastusin at nakahanda ang ospital na pasanin ang gastos hanggang sa ito ay ma-operahan. Kung kaya’t halos P10,000 din po ang natipid ng pasyente!

Maraming salamat po Sir Percy sa agarang pagtugon ninyo sa hinaing naming mga mahihirap, kasama na dýan ang butihing alkalde ng Maynila na si Mayor Alfredo S. Lim. Nawa ay malagpasan na ni Mayor Lim ang trahedya na ipinaparatang sa kanya sapagka’t kailangan pa ng Maynila ang kagaya niya.

Pagpalain po kayo ng Diyos!”

Maraming-maraming salamat po kay Dr. Martin at sa lahat ng kanyang mga katuwang sa kanilang patuloy at walang sawang pagtulong upang maglingkod sa ating mga kapus-palad na kababayan.

Mabuhay po kayong lahat sa Mother and Child Maternity Hospital!

Monday, October 18, 2010

Gen. Magtibay, praning?

MASAHOL pa pala sa nerbiyosong ‘binabae’ itong si Gen. Rodolfo Magtibay, ang dating hepe ng Manila Police District (MPD) na nasibak sa puwesto kasunod ng madugong pangho-hostage ng kanyang kapwa-Batangenyo - si dismissed police Capt. Rolando Mendoza - sa Quirino Grandstand noong Aug. 23.

Bunsod marahil ng matinding nerbiyos sa mga kaso na nakatakda niyang kaharapin kaya kung anu-ano na ang kanyang pinagsasasabi at para bang bukas ay magugunaw na ang mundo.

Pabago-bago ng statement itong si Magtibay na naturingang pa namang heneral at miyembro ng Class ’78 sa Philipine Military Academy (PMA). ay inirekomendang sampahan ng kasong ‘gross incompetence’ at ‘serious neglect of duty’.

Sa pinaka-huli niyang pahayag sa media, ang lahat ng sisi ay kay Manila Mayor Alfredo Lim na ikinakargo ni Magtibay imbes na manindigan sa kanyang mga sinabi bilang ‘officer and a gentleman’ na kung tawagin ng mga tulad niyang nagtapos sa PMA ay ‘cavalier’.

Taliwas ito sa mga nauna niyang pahayag na personal kong narinig sa isang press conference na nagmula mismo sa kanyang bibig na kanyang inaako ang mga responsibilidad sa naganap na insidente bilang dating hepe ng MPD at noon ay siyang nagsilbing ground commander.

Malayong-malayo si Gen. Magtibay kumpara kay Mayor Lim kung ‘credibility’ at pagiging ‘consistent’ ang pag-uusapan.

Mula umpisa, si Mayor Lim ay consistent sa kanyang statement at matatag na naninindigan kahit ang talagang tanging papel lamang naman niya sa mga katulad na insidente ay magbigay ng suhestiyon bilang hepe ng Crisis Management Committee (CMC), bagay na maaring sundin o hindi ni Magtibay na siyang ground commander ng PNP at may bukod-tanging control pagdating sa ‘peace and order situation’.

Si Magtibay ay kabaligtaran, pabago-bago at hindi consistent.

Bakit hindi sinabi ito ni Magtibay sa Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamunuan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima na kaibigan ni Atty. Romulo Macalintal, ang abogado ni dating DENR Sec. Jose ‘Lito’ Atienza, Jr.?

Nakalimutan yata ni Magtibay, ang tao na pabago-bago ang sinasabi at hindi marunong manindigan ay sinungaling. (Kahit itanong mo pa sa desperadong makabalik na mayor sa Maynila na si Atienza).

Hindi natin akalain na ang PMA at ang Philippine National Police (PNP) ay napapalusutan ng mga ganitong klase ng opisyal.

Nakakapanghinayang ang estrelya na nakapatong sa balikat ng mga ganitong klase ng opisyal para makasuhan lamang ng ‘gross incompetence’.

Nakakahiya!

Monday, October 11, 2010

Sagot ng INC sa mga paninira ni Neal Cruz

MALAMANG na sumakit ang ulo nitong si Neal Cruz, ang ‘convicted columnist’ ng Phil Daily Inquirer, sa pagkakalat niya ng mga paninira laban sa Iglesia Ni Cristo (INC).

Sa kanyang kolum, kung anu-anong paninira ang pinagsusulat ng damuho sa kanyang pitak na kesyo impluwensiya daw ng INC ang nasa likod ng appointment ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Asst. Sec. Virgie Torres sa Land Transportation Office (LTO).

Pinaratangan din niyang ang INC ang nasa likod ng Amalgamated Motors Inc. (Ampi), ang kompanya na pag-aari ni G. Felimon Cuevas na nangongontrata sa pag-iimprenta ng lesensiya sa LTO.

Sina Torres at Cuevas ay kapwa miyembro ng INC subali’t hindi nangangahulugang may kinalaman ang INC sa kaugnayan nila sa LTO.

Sakaling hindi alam ng convivted columnist na si Neal Cruz, si Torres ay dati nang opisyal sa LTO at napuwesto bilang hepe ng ahensiya kasunod ng pagkakatalaga sa kanya ni P-Noy.

Si Torres ay tubong Tarlac at kilalang malapit sa pamilya ni P-Noy bilang dating scholar ni yumaong Senador Benigno Aquino, Jr.

Si Cuevas naman ay matagal nang nangongontrata sa LTO, panahon pa ni dating Pang. Marcos.

Ang inaalam natin ay kung ano ang kaugnayan ng isang hindoropot na “Quiambao”, isang mandurugas na kontraktor sa LTO, na sinasabing nasa likod ng mga paninira ni Neal Cruz sa INC.

Basahin po natin ang sagot ni G. Bienvenido Santiago, ang spokesman ng INC:

“THE Iglesia ni Cristo (INC) takes exception to Neal Cruz’s Sept. 24 column which was clearly uncalled for. He obviously meant to provoke the public and promote religious bigotry. There he asserted that the Land Transportation Office (LTO) “appears to be the private preserve of the Iglesia ni Cristo” because the agency “awards most contracts to members.”

His only basis for saying so is the one contract with Amalgamated Motors Inc. (Ampi), owned by Filemon Cuevas, and the appointment of the new LTO chief, Transportation Assistant Secretary Virgie Torres.

The Iglesia ni Cristo is not involved in any way with Ampi, nor with the appointment of Ms Torres as LTO chief. Why should the Church affiliation of the two he mentioned by name, both of whom are ordinary members, be construed as proof of our institution’s alleged involvement in the LTO? Cruz has associated alleged irregularities and wrongdoings that he said have taken place over several years in the LTO with a chief who has only been there a few months. Is it because she is a member of the Iglesia ni Cristo?

He might as well take a census of the religious membership of all government employees, and depending on the numbers he gets, conclude that such and such agency is the private preserve of the Catholic Church, or the Protestants, or the Muslims, and so on and so forth and blame whatever irregularities he finds in those agencies on those religions.

While the Iglesia ni Cristo has done no wrong or harm to Cruz, it is his personal right to be prejudiced against any religious organization if he so chooses. What the Iglesia ni Cristo objects to is Cruz’s unprofessional use of his column as a platform to stir up the public to harbor ill-will toward the Iglesia ni Cristo.”

Tumatalbog na tsekeng pamangkin ni Lito Lapid

ISANG pamangking-buo ni Sen. Manuel “Lito” Lapid ang hinahabol ngayon ng ilang miyembro ng media dahil sa pag-iisyu nito ng mga talbog na tseke na umaabot sa halagang P.5 milyon.

Napag-alaman na si June Marie Lapid-Marquez, anak ng katatandang kapatid ng senador na si Rey Lapid, ay bumili umano ng mga used equipment mula sa ilang miyembro ng media na nagmamay-ari ng nagsarang barberya.

Ayon sa mga biktima, ang mga kasangkapan ay ibinenta kay Marquez upang ipambayad utang sa inupahan nilang puwesto sa Marquee Mall, Angeles City.

Dahil alam nilang si Marquez ay pamangkin ng mambabatas na senador, buong tiwala silang pumayag na ang kabayaran sa mga equipment ay ibibigay ni Marqez ng hulugan kada buwan.

Kaso, parang bola ng basketball na nagtalbugan ang mga tseke na ibinayad sa kanila at mahigit isang buwan nang hindi tinutupad ni Marquez ang pangakong sila ay babayaran.

Kanilang natuklasan na ang checking account ni Marquez sa isang bangko sa Angeles ay sarado na.

Si Marquez ay nagpapakilalang empleyado pa naman daw ng PAGCOR sa Clark, Pampanga.

Hindi kaya sa damuhong tiyuhin niyang mambabatas nagmana itong si Marquez?

Resulta ng jueteng sa Pampanga

IPINAALAM sa atin ng People Power Volunteers for Reform (PPVR-Pampanga) na tuloy at hindi nasasawata ang iligal na ‘jueteng’ sa Pampanga.

Katunayan, sa kanilang E-mail sa ating noong Oct. 10, ang resulta raw ng mga lumabas na numero ng jueteng sa lungsod ng San Fernando ay ang mga sumusunod: 18/02; 06/25; 30/30; 20/31; at 18/11.

Patuloy ang kanilang panawagan kay PNP Chief Gen Raul Bacalzo at DILG Sec. Jesse Robredo laban sa talamak na jueteng.

Nananawagan ang grupo sa kanilang mga kasamahan sa PPVR sa buong bansa upang bantayan ang aksiyon ng kinauukulan sa hindi nasasawatang jueteng sa Pampanga.

Monday, October 4, 2010

Pwesto ni Gutierrez puntirya ni De Lima?; “Illegal gambling” sa Parañaque, lantaran!

IKINAGALIT ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang pagkakasama ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima sa mga inerekomenda ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na masampahan ng kaso sa Quirino Grandstand hostage-taking.

Sa inis ni Gutierrez, kanyang binuweltahan si De Lima at sinabing imbes na IIRC ay sila sa Ombudsman ang dapat mag-imbestiga.

Kung ibabase nga naman sa ating Saligang Batas ay may katwiran si Gutierrez na igiit ang mandato ng Ombudsman dahil ang mga isinailalim ng IIRC sa imbestigasyon ay pawang mga opisyal at tauhan ng gobyerno.

Pero may mas malalim pang dahilan at hindi usapin sa jurisdiction ang totoong motibo na nakikita ang mga miron kung bakit si Gutierrez at ang ibang opisyal ay idinawit ni De Lima na masampahan ng kaso.

Sa mga diskusyon sa kapihan ay lumulutang ang suspetsa na hindi malayong inaasinta ni De Lima ang puwesto ni Gutierrez kung kaya’t ito ay sadyang isinama sa mga inirekomenda ng IIRC na makasuhan.

Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata!

Video karera Namamayagpag

LEONOR – “Pabalik-balik po ang Video Karera sa may Lopez, San Isidro, Paranaque, sa beerhouse po ni Bobit sa paradahan ng BFTODA. Kasi po pala ay kay Capt. Gabuna po pala ang makina na yun. S’ya po ang commander ng PCP-4 ng Paranaque. Pwede po bang mabanatan po sa programa n’yong Lapid Fire sa DWIZ tuwing 12:00 midnight to 1:30 am gabi-gabi para matauhan po?”

Gambling lords

JEN – “Binigyan na naman po ng Go Signal ng mga pulis po dito sa Paranaque ang mga loteng operators po na sila “RR”, Arman Nofuente ng Isarog St., Sto. Nino, Paranaque. at ang grupo ni Aguila Brothers po ng San Dionisio, Paranaque. Ang 4-Aces po, nag-operate na naman po sila pati jueteng ni Edgar na taga-Tambo.” Facebook/Sep.29>

Bro. Mike ng El Shaddai padrino ni Col. Valdez?

MARISSA – “Dear Mr. Percy Lapid, gusto lang po naming ipakiusap sa inyo na grabe na naman po ang mga illegal na gawain ng hepe ng Paranaque na si Col. Valdez. Ayon po sa kumpare kong pulis Paranaque ay kahit sila pong mga pulis ay galit sa aming hepe na sobrang swapang sa pera. Dapat po’y matanggal na po s’ya dito sa Paranaque pero muli na naman daw pong humihingi ng extension sa Mayor at ang lumalakad daw po para ma-extend pa po s’ya ng isang taon ay si Brother Mike Velarde ng El Shaddai. Maawa naman po kayo sa mamamayan ng Paranaque! Dapat po na maitapon ‘yan sa Maguindanao. Tingnan ko lang po kung umubra ang katarantaduhan n’ya du’n. Sir, kung papayagan n’yo pa po s’yang ma-extend dito ay lalo pong magiging malala ang Paranaque. Nagpipilit po talaga s’yang mag-stay sa Paranaque dahil dito n’ya po nagagawa lahat ng kanyang mga illegal. Bigyan n’yo po kami ng katahimikan dito at ‘yan po ay kung ‘wag na pong payagan ng bagong Regional Director at ng PNP chief na ma-extend pa po s’ya dito sa Paranaque. ‘Di ko po kasi alam kung paano namin makokontak ang PNP Chief Raul Bacalzo. Sana po’y maipaabot n’yo na rin po kay Gen. Bacalzo ang amin pong problema sa isa nyang hepe ng pulisya. Nakikiusap po kami sir, pati po ang mga coordination ng National Police ‘pag nakipag-coordinate sa kanila ay s’ya mismo ang nagli-leak. Pinatatago n’ya po agad at pinahihinto lahat ng illegal ‘pag may coordination po ang National Police sa Paranaque. ‘Yan po ay ayon lahat sa kumpare kong police at pinsan ko ring police na taga-Paranaque din po. Kaya paano n’yo po sila mahuhuli? hindi n’yo daw po sila mahuhuli dahil si Col. Valdez po ang sumisira sa coordination at s’ya pa daw po mismo ang nagtitimbre na itago mga ibedensya at magsara kung may coordination po. Sir, dapat po talagang mare-shuffle na lahat ng police-Paranaque dahil lahat na po ay magkakasabwat na. Pati ang mga kidnappers at holdaper ng mga bangko ay ‘di n’yo mahuhuli dahil kanlong nila lahat yan. Pag-isipan n’yo po sir, kung ano mangyayari sa Paranaque.”

Jueteng At Loteng

IRENE (Paranaque City) – “Mr. Lapid, pwede n’yo po bang kalampagin si Gen. Raul Bacalzo at DILG Sec. Jesse Robredo para pagtuunan naman nila ang Paranaque. Habang busy sila sa pagtalakay at pag-imbestiga sa Senado ng jueteng ay patuloy pa rin naman po ang pag-operate ng mga loteng at jueteng dito. Ayon po sa bet collector ng loteng na tinatayaan namin ay may basbas daw sila ng hepe ng Paranaque at ng congressman ng Dist.1 na si Edwin Olivarez kaya’t wala silang kaba at takot magpataya. Para po kasi kaming naiinsulto n’yan na parang minamaliit nila ang kakayahan ng AQUINO GOV’T. Supporters po kasi kami ni Noynoy. Paki naman po Mr. Lapid. Take note, si CONG. OLIVAREZ po ay kasama nila Noynoy nu’ng eleksyon ha? Siya pa ngayon ang sisira sa presidente.”

Friday, October 1, 2010

“Lihim ng Guadalupe” sa pagdiin nina De Lima at Ang See kay Mayor Lim

NGAYONG nakabalik na sa bansa si Pang. Noynoy Aquino, nakaabang na ang publiko sa kalalabasan ng rekomendasyong isinumite ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima at ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) patungkol sa inihasik ni dismissed P/Capt. Rolando Mendoza, ang hostage-taker na kumatay sa mga turistang dayuhan na kanyang binihag sa Quirino Grandstand noong Aug 23.

Magkakaalaman kung ang ulo ni P-Noy ay nagawang bilugin ng mga nakatagong lihim sa likod ng IIRC report na ginantsilyo ni De Lima laban kay Manila Mayor Alfredo Lim, ang bukod-tanging puntirya na idiin sa isinumiteng rekomendasyon ng IIRC upang makasuhan sa inihasik na krimen ni Capt. Mendoza laban sa sangkatauhan.

Pero ang hindi natin masiguro ay kung kasamang pagbabasehan ni P-Noy sa kanyang desisyon ang nakatagong “Lihim ng Guadalupe” sa likod ng IIRC report ni De Lima kung bakit kay Mayor Lim ibinunton ang lahat ng sisi sa naganap na madugong insidente.

Ang pagkakapuntirya kay Mayor Lim sa IIRC report ay pinagsususpetsahang bunga ng isang malaking sabwatan.

Malaki ang pagdududa na politika ang tunay na nasa likod ng pagkakarekomenda para idiin si Mayor Lim bilang pangunahing target ng sabwatan.

Si De Lima ay dating election lawyer na humahawak ng mga kasong may kinalaman sa eleksiyon bago siya ipinuwesto ni GMA noong 2008 bilang chairman ng Commission on Human Rights (CHR).

Kung hindi tayo nagkakamali ay kasamahan niya sa propesyon bilang election lawyer si Atty. Romulo Macalintal, ang abogado ni dating DENR Sec. Jose “Lito” Atienza, Jr. sa protestang inihain nito sa Comelec laban kay Mayor Lim pagkatapos ng kauna-unahang automated computerized elections na ginanap sa bansa noong nakaraang Mayo.

Si Macalintal ay kabilang sa mga tumatayong abogado ni GMA at sinasabing ‘di umano’y tumulong at nagrekomenda kay De Lima upang mapuwesto sa CHR noong nakaraang rehimen.

Ang malaking palaisipan ay kung paano napasok ng “akyat-bahay” ang gabinete ni P-Noy?

Nakapagtataka talaga kung bakit ang inaasintang pinagdidiskitahan ng mga damuhong “sampay-bakod” lang sa bagong administrasyon ay ‘yun pang malalapit kay P-Noy at matitinong lider na tulad ni Mayor Lim, imbes na unahin mga dakilang magnanakaw na nagpayaman sa dating rehimen na walang-awang tumampalasan at nagpahirap sa sambayanan?

Baligtad na ba ang mundo?

* * *

Ang paghihiganti ni Ang See

ANG rekomendasyon sa pagdiin kay Mayor Lim ay suportado ni Teresita Ang See, isa sa mga umupong miyembro ng IIRC na pinamunuan ni De Lima.

Napag-alaman na itong si Ang See ay may malaon nang kinikimkim na galit laban kay Mayor Lim.

Taong 2000, lumapit si Ang See kay Mayor Lim na noon ay kalihim ng DILG upang humingi ng pabor.

Nilalakad ni Ang See kay Mayor Lim na payagang mailabas niya mula sa Manila City Jail ang isang preso na nagngangalang Go Bon Juan at madala sa ospital upang ipagamot.

Si Go Bon Juan na balitang may malagkit na kaugnayan kay Ang See ay dating executive sa isang malaking bangko na may sangay sa Binondo at nabilanggo matapos umanong “maka-kadispalko” ng halagang P3-B.

Hindi pumayag si Lim sa pakiusap ni Ang See sapagka’t ang pagpapalabas ng sinumang preso ay nangangailangan ng court order o kautusan mula sa husgado.

Ang balita, nagawan ng paraan ni Ang See na makakuha siya ng court order at nailabas ang preso. Pero alam n’yo ba kung ano ang sumunod na pangyayari?

Si Go Bon Juan ay tumakas mula sa ospital na pinagdalhan sa kanya ni Ang See at naglahong parang bula.

Kung nagkataon, muntik pa palang masabit at madamay si Mayor Lim noon sa maitim na plano ni Ang See, bagay na hindi marahil alam ng kanyang mister. He, he, he!

Ang hindi natin alam ay kung nakasuhan si Ang See sa kahindutang nangyari na siyang lumakad para magawang tumakas ng akusado.

Ano ba talaga ang papel sa buhay nitong si Ang See, ang tumulong (kuno) sa mga biktima ng krimen o magpatakas ng preso?

Samakatuwid ginamit ni Ang See ang IIRC sa kanyang itinatagong galit upang makapaghiganti dahil sa pagtanggi ni Mayor Lim na pagbigyan ang kanyang pakiusap na labag sa batas.

Ang masaklap, si P-Noy ay ginagawang hostage nina De Lima at Ang See sa isang malaking pakana at sabwatan laban kay Mayor Lim na nakatago sa likod ng IIRC report.

‘Yan ay isang paraan ng manipulasyon at pananabotahe kay P-Noy upang siya ay mahawakan sa leeg ng mga gustong ipagpatuloy ang kanilang pagsasamantala.

Ang tawag diyan ay “squid tactic” o “taktikang pusit.