Monday, October 18, 2010

Gen. Magtibay, praning?

MASAHOL pa pala sa nerbiyosong ‘binabae’ itong si Gen. Rodolfo Magtibay, ang dating hepe ng Manila Police District (MPD) na nasibak sa puwesto kasunod ng madugong pangho-hostage ng kanyang kapwa-Batangenyo - si dismissed police Capt. Rolando Mendoza - sa Quirino Grandstand noong Aug. 23.

Bunsod marahil ng matinding nerbiyos sa mga kaso na nakatakda niyang kaharapin kaya kung anu-ano na ang kanyang pinagsasasabi at para bang bukas ay magugunaw na ang mundo.

Pabago-bago ng statement itong si Magtibay na naturingang pa namang heneral at miyembro ng Class ’78 sa Philipine Military Academy (PMA). ay inirekomendang sampahan ng kasong ‘gross incompetence’ at ‘serious neglect of duty’.

Sa pinaka-huli niyang pahayag sa media, ang lahat ng sisi ay kay Manila Mayor Alfredo Lim na ikinakargo ni Magtibay imbes na manindigan sa kanyang mga sinabi bilang ‘officer and a gentleman’ na kung tawagin ng mga tulad niyang nagtapos sa PMA ay ‘cavalier’.

Taliwas ito sa mga nauna niyang pahayag na personal kong narinig sa isang press conference na nagmula mismo sa kanyang bibig na kanyang inaako ang mga responsibilidad sa naganap na insidente bilang dating hepe ng MPD at noon ay siyang nagsilbing ground commander.

Malayong-malayo si Gen. Magtibay kumpara kay Mayor Lim kung ‘credibility’ at pagiging ‘consistent’ ang pag-uusapan.

Mula umpisa, si Mayor Lim ay consistent sa kanyang statement at matatag na naninindigan kahit ang talagang tanging papel lamang naman niya sa mga katulad na insidente ay magbigay ng suhestiyon bilang hepe ng Crisis Management Committee (CMC), bagay na maaring sundin o hindi ni Magtibay na siyang ground commander ng PNP at may bukod-tanging control pagdating sa ‘peace and order situation’.

Si Magtibay ay kabaligtaran, pabago-bago at hindi consistent.

Bakit hindi sinabi ito ni Magtibay sa Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamunuan ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima na kaibigan ni Atty. Romulo Macalintal, ang abogado ni dating DENR Sec. Jose ‘Lito’ Atienza, Jr.?

Nakalimutan yata ni Magtibay, ang tao na pabago-bago ang sinasabi at hindi marunong manindigan ay sinungaling. (Kahit itanong mo pa sa desperadong makabalik na mayor sa Maynila na si Atienza).

Hindi natin akalain na ang PMA at ang Philippine National Police (PNP) ay napapalusutan ng mga ganitong klase ng opisyal.

Nakakapanghinayang ang estrelya na nakapatong sa balikat ng mga ganitong klase ng opisyal para makasuhan lamang ng ‘gross incompetence’.

Nakakahiya!

No comments:

Post a Comment