NGAYONG nakabalik na sa bansa si Pang. Noynoy Aquino, nakaabang na ang publiko sa kalalabasan ng rekomendasyong isinumite ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima at ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) patungkol sa inihasik ni dismissed P/Capt. Rolando Mendoza, ang hostage-taker na kumatay sa mga turistang dayuhan na kanyang binihag sa Quirino Grandstand noong Aug 23.
Magkakaalaman kung ang ulo ni P-Noy ay nagawang bilugin ng mga nakatagong lihim sa likod ng IIRC report na ginantsilyo ni De Lima laban kay Manila Mayor Alfredo Lim, ang bukod-tanging puntirya na idiin sa isinumiteng rekomendasyon ng IIRC upang makasuhan sa inihasik na krimen ni Capt. Mendoza laban sa sangkatauhan.
Pero ang hindi natin masiguro ay kung kasamang pagbabasehan ni P-Noy sa kanyang desisyon ang nakatagong “Lihim ng Guadalupe” sa likod ng IIRC report ni De Lima kung bakit kay Mayor Lim ibinunton ang lahat ng sisi sa naganap na madugong insidente.
Ang pagkakapuntirya kay Mayor Lim sa IIRC report ay pinagsususpetsahang bunga ng isang malaking sabwatan.
Malaki ang pagdududa na politika ang tunay na nasa likod ng pagkakarekomenda para idiin si Mayor Lim bilang pangunahing target ng sabwatan.
Si De Lima ay dating election lawyer na humahawak ng mga kasong may kinalaman sa eleksiyon bago siya ipinuwesto ni GMA noong 2008 bilang chairman ng Commission on Human Rights (CHR).
Kung hindi tayo nagkakamali ay kasamahan niya sa propesyon bilang election lawyer si Atty. Romulo Macalintal, ang abogado ni dating DENR Sec. Jose “Lito” Atienza, Jr. sa protestang inihain nito sa Comelec laban kay Mayor Lim pagkatapos ng kauna-unahang automated computerized elections na ginanap sa bansa noong nakaraang Mayo.
Si Macalintal ay kabilang sa mga tumatayong abogado ni GMA at sinasabing ‘di umano’y tumulong at nagrekomenda kay De Lima upang mapuwesto sa CHR noong nakaraang rehimen.
Ang malaking palaisipan ay kung paano napasok ng “akyat-bahay” ang gabinete ni P-Noy?
Nakapagtataka talaga kung bakit ang inaasintang pinagdidiskitahan ng mga damuhong “sampay-bakod” lang sa bagong administrasyon ay ‘yun pang malalapit kay P-Noy at matitinong lider na tulad ni Mayor Lim, imbes na unahin mga dakilang magnanakaw na nagpayaman sa dating rehimen na walang-awang tumampalasan at nagpahirap sa sambayanan?
Baligtad na ba ang mundo?
* * *
Ang paghihiganti ni Ang See
ANG rekomendasyon sa pagdiin kay Mayor Lim ay suportado ni Teresita Ang See, isa sa mga umupong miyembro ng IIRC na pinamunuan ni De Lima.
Napag-alaman na itong si Ang See ay may malaon nang kinikimkim na galit laban kay Mayor Lim.
Taong 2000, lumapit si Ang See kay Mayor Lim na noon ay kalihim ng DILG upang humingi ng pabor.
Nilalakad ni Ang See kay Mayor Lim na payagang mailabas niya mula sa Manila City Jail ang isang preso na nagngangalang Go Bon Juan at madala sa ospital upang ipagamot.
Si Go Bon Juan na balitang may malagkit na kaugnayan kay Ang See ay dating executive sa isang malaking bangko na may sangay sa Binondo at nabilanggo matapos umanong “maka-kadispalko” ng halagang P3-B.
Hindi pumayag si Lim sa pakiusap ni Ang See sapagka’t ang pagpapalabas ng sinumang preso ay nangangailangan ng court order o kautusan mula sa husgado.
Ang balita, nagawan ng paraan ni Ang See na makakuha siya ng court order at nailabas ang preso. Pero alam n’yo ba kung ano ang sumunod na pangyayari?
Si Go Bon Juan ay tumakas mula sa ospital na pinagdalhan sa kanya ni Ang See at naglahong parang bula.
Kung nagkataon, muntik pa palang masabit at madamay si Mayor Lim noon sa maitim na plano ni Ang See, bagay na hindi marahil alam ng kanyang mister. He, he, he!
Ang hindi natin alam ay kung nakasuhan si Ang See sa kahindutang nangyari na siyang lumakad para magawang tumakas ng akusado.
Ano ba talaga ang papel sa buhay nitong si Ang See, ang tumulong (kuno) sa mga biktima ng krimen o magpatakas ng preso?
Samakatuwid ginamit ni Ang See ang IIRC sa kanyang itinatagong galit upang makapaghiganti dahil sa pagtanggi ni Mayor Lim na pagbigyan ang kanyang pakiusap na labag sa batas.
Ang masaklap, si P-Noy ay ginagawang hostage nina De Lima at Ang See sa isang malaking pakana at sabwatan laban kay Mayor Lim na nakatago sa likod ng IIRC report.
‘Yan ay isang paraan ng manipulasyon at pananabotahe kay P-Noy upang siya ay mahawakan sa leeg ng mga gustong ipagpatuloy ang kanilang pagsasamantala.
Ang tawag diyan ay “squid tactic” o “taktikang pusit.
No comments:
Post a Comment