Wednesday, October 27, 2010

Ang punyetang EO 887-A ni GMA

“KAYO ang aking boss” at “tatahakin natin ang tuwid na landas.”

‘Yan ang mga katagang sinabi ni Pang. Noynoy Aquino sa kanyang ‘inaugural speech’ noong Hulyo matapos manalong pangulo, ang mga kataga na hindi basta malilimutan ng maraming Pilipino.

Pagkatapos ng siyam na taon ng buktot na rehimen ni Arroyo, ngayon lang ulit “naipaalala” sa atin kung sino ba talaga - sa ilalim ng isang bansang demokratiko - ang dapat paglingkuran ng mga namumuno sa pamahalaan.

At dahil si Juan dela Cruz ang talagang boss ni P-Noy at ng kanyang administrasyon, iminumungkahi natin ang agarang pagbasura sa pagpapatupad sa isang Executive Order.

Bakit?

Kasi, kung maraming ‘midnight appointees’ na pinirmahan at tinangkang palusutin itong si REGLA (as in Rep. Gloria Arroyo) para ipuwesto sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, meron din siyang mga batas na nilagdaan.

Midnight Decree

ANG tinutukoy natin na dapat ibasura ay walang iba kundi ang EO 887-A na kung tawagin ay ‘motor vehicle development program’.

Nilagdaan ni Regla ang “Midnight EO” sa kalaliman ng hatinggabi noong Hulyo 3, tatlong linggo bago siya bumababa sa Malakanyang matapos itakwil ng sambayanan ang kanyang mga pinakawalang kandidato laban kay P-Noy.

Kung pag-aaralan, matinding kahayupan sa industriya ng mga sasakyan ang isinasaad sa Midnight EO na pinalusot ni Regla.

Maliwanag na ‘COMPLETE MONOPOLY’ sa industriya ng mga behikulo ang bukod-tanging tinutumbok ng Midnight EO kahit patiwarik pa nating basahin.

Sa madali’t sabi, ang EO ay naglalarawan sa pagmumukha ni at masagwang pagkatao ni Regla na hindi maikukumpara kahit kay Hitler.

Gagamitin ang EO para PATAYIN ang imported second-hand car and truck industry sa bansa na siyang nagsu-supply ng malaking bilang ng mga delivery truck, vans, panels, etc., etc., na bumibiyahe ngayon sa ating mga lansangan.

Monopolyo na nga ng mga ‘car manufacturer’ ang bentahan ng kotse at ngayon naman ay gusto pang sagpangin para makopo pati ang bentahan ng delivery trucks na siyang naghahatid araw-araw sa mga palengke ng ating mga batayang pangangailangan tulad ng bigas, karne, manok, gulay, isda, etc., etc.

Ang monopolyo ay hindi lang labag sa prinsipyo ng “free trade” sa sistemang kapitalista tulad sa ating bansa at labag din ito sa konsensiya.

Sakaling ganap na maipatupad ang monopolyo sa pamamagitan ng EO 887-A, asahan ang pagsirit pataas ng mga presyo ng bilihin at ang kawalan ng hanap-buhay sa hanay ng mahigit 120,000 manggagawa sa industriya.

Apat hanggang limang beses ang presyo ng mga bagong sasakyan kumpara sa mga imported second-hand vehicles.

Kayo na ang tumuos: Sakali kayang mangyari ang gusto ng mga monopolista, saan sa palagay n’yo babawiin ng mga biyahero ang gastos nila sa bago nilang mga delivery van at truck? Saan pa ba kundi sa presyo ng kanilang mga paninda.

Suma-tutal, ang EO 887-A ay isa na namang patunay na basta may monopolyo sa negosyo, ang resulta ay mas mataas na “inflation rate” at pagkagutom sa hanay ng mga manggagawa. Patay ang biday sa huli dahil gegewang na patagilid ang ating ekonomiya!

Kung duda ang marami sa appointees ni Regla kaya pinasisibak sila ni P-Noy sa puwesto, hindi ba mas higit na dapat siyang magduda sa mga “huling hirit” na batas na pinalusot nito, gaya ng EO 887-A?

Ibasura ang punyetang EO 887-A na ‘yan!

No comments:

Post a Comment