Monday, October 4, 2010

Pwesto ni Gutierrez puntirya ni De Lima?; “Illegal gambling” sa Parañaque, lantaran!

IKINAGALIT ni Ombudsman Merceditas Gutierrez ang pagkakasama ni Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima sa mga inerekomenda ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na masampahan ng kaso sa Quirino Grandstand hostage-taking.

Sa inis ni Gutierrez, kanyang binuweltahan si De Lima at sinabing imbes na IIRC ay sila sa Ombudsman ang dapat mag-imbestiga.

Kung ibabase nga naman sa ating Saligang Batas ay may katwiran si Gutierrez na igiit ang mandato ng Ombudsman dahil ang mga isinailalim ng IIRC sa imbestigasyon ay pawang mga opisyal at tauhan ng gobyerno.

Pero may mas malalim pang dahilan at hindi usapin sa jurisdiction ang totoong motibo na nakikita ang mga miron kung bakit si Gutierrez at ang ibang opisyal ay idinawit ni De Lima na masampahan ng kaso.

Sa mga diskusyon sa kapihan ay lumulutang ang suspetsa na hindi malayong inaasinta ni De Lima ang puwesto ni Gutierrez kung kaya’t ito ay sadyang isinama sa mga inirekomenda ng IIRC na makasuhan.

Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata!

Video karera Namamayagpag

LEONOR – “Pabalik-balik po ang Video Karera sa may Lopez, San Isidro, Paranaque, sa beerhouse po ni Bobit sa paradahan ng BFTODA. Kasi po pala ay kay Capt. Gabuna po pala ang makina na yun. S’ya po ang commander ng PCP-4 ng Paranaque. Pwede po bang mabanatan po sa programa n’yong Lapid Fire sa DWIZ tuwing 12:00 midnight to 1:30 am gabi-gabi para matauhan po?”

Gambling lords

JEN – “Binigyan na naman po ng Go Signal ng mga pulis po dito sa Paranaque ang mga loteng operators po na sila “RR”, Arman Nofuente ng Isarog St., Sto. Nino, Paranaque. at ang grupo ni Aguila Brothers po ng San Dionisio, Paranaque. Ang 4-Aces po, nag-operate na naman po sila pati jueteng ni Edgar na taga-Tambo.” Facebook/Sep.29>

Bro. Mike ng El Shaddai padrino ni Col. Valdez?

MARISSA – “Dear Mr. Percy Lapid, gusto lang po naming ipakiusap sa inyo na grabe na naman po ang mga illegal na gawain ng hepe ng Paranaque na si Col. Valdez. Ayon po sa kumpare kong pulis Paranaque ay kahit sila pong mga pulis ay galit sa aming hepe na sobrang swapang sa pera. Dapat po’y matanggal na po s’ya dito sa Paranaque pero muli na naman daw pong humihingi ng extension sa Mayor at ang lumalakad daw po para ma-extend pa po s’ya ng isang taon ay si Brother Mike Velarde ng El Shaddai. Maawa naman po kayo sa mamamayan ng Paranaque! Dapat po na maitapon ‘yan sa Maguindanao. Tingnan ko lang po kung umubra ang katarantaduhan n’ya du’n. Sir, kung papayagan n’yo pa po s’yang ma-extend dito ay lalo pong magiging malala ang Paranaque. Nagpipilit po talaga s’yang mag-stay sa Paranaque dahil dito n’ya po nagagawa lahat ng kanyang mga illegal. Bigyan n’yo po kami ng katahimikan dito at ‘yan po ay kung ‘wag na pong payagan ng bagong Regional Director at ng PNP chief na ma-extend pa po s’ya dito sa Paranaque. ‘Di ko po kasi alam kung paano namin makokontak ang PNP Chief Raul Bacalzo. Sana po’y maipaabot n’yo na rin po kay Gen. Bacalzo ang amin pong problema sa isa nyang hepe ng pulisya. Nakikiusap po kami sir, pati po ang mga coordination ng National Police ‘pag nakipag-coordinate sa kanila ay s’ya mismo ang nagli-leak. Pinatatago n’ya po agad at pinahihinto lahat ng illegal ‘pag may coordination po ang National Police sa Paranaque. ‘Yan po ay ayon lahat sa kumpare kong police at pinsan ko ring police na taga-Paranaque din po. Kaya paano n’yo po sila mahuhuli? hindi n’yo daw po sila mahuhuli dahil si Col. Valdez po ang sumisira sa coordination at s’ya pa daw po mismo ang nagtitimbre na itago mga ibedensya at magsara kung may coordination po. Sir, dapat po talagang mare-shuffle na lahat ng police-Paranaque dahil lahat na po ay magkakasabwat na. Pati ang mga kidnappers at holdaper ng mga bangko ay ‘di n’yo mahuhuli dahil kanlong nila lahat yan. Pag-isipan n’yo po sir, kung ano mangyayari sa Paranaque.”

Jueteng At Loteng

IRENE (Paranaque City) – “Mr. Lapid, pwede n’yo po bang kalampagin si Gen. Raul Bacalzo at DILG Sec. Jesse Robredo para pagtuunan naman nila ang Paranaque. Habang busy sila sa pagtalakay at pag-imbestiga sa Senado ng jueteng ay patuloy pa rin naman po ang pag-operate ng mga loteng at jueteng dito. Ayon po sa bet collector ng loteng na tinatayaan namin ay may basbas daw sila ng hepe ng Paranaque at ng congressman ng Dist.1 na si Edwin Olivarez kaya’t wala silang kaba at takot magpataya. Para po kasi kaming naiinsulto n’yan na parang minamaliit nila ang kakayahan ng AQUINO GOV’T. Supporters po kasi kami ni Noynoy. Paki naman po Mr. Lapid. Take note, si CONG. OLIVAREZ po ay kasama nila Noynoy nu’ng eleksyon ha? Siya pa ngayon ang sisira sa presidente.”

No comments:

Post a Comment