Monday, January 3, 2011

Si ES Ochoa at ang ‘arrogance of power’

DAHIL sa pagtupad ng kanyang tungkulin, malaking kamalasan ang inabot ng isang pulis ng Bureau of Customs (BOC) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaya siguradong malungkot nilang ipinagdiwang ng kanyang pamilya ang pagsalubong sa Bagong Taon. .

Noong nakaraang linggo, sinibak si SA1 Roberto Ramos sa kanyang pwesto bilang bantay sa arrival gate ng NAIA Terminal 2.

Ano ang dahilan, bakit nasibak ang Customs police na si Ramos?

Dumating daw si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., nitong Dec. 28 sakay ng isang flight mula sa Singapore.

Pagdaan ni Ochoa palabas ng gate, hinanapan siya ni Ramos ng Customs “baggage declaration,” ang pangunahing tungkulin na dapat gampanan ng sinomang bantay na ipinatutupad sa kaninomang pasahero na dumarating sa bansa.

Hindi ito nagustuhan ni Ochoa at pinagsabihan pa raw si Ramos na: “Yan lang naman ang trabaho n’yo e, ang manita.”

Huli na nang malaman ni Ramos na si Ochoa ang kausap niya matapos gumitna ang isang kasamahan niyang Customs police.

Sa salaysay ni Ramos, magalang naman daw niyang hinanapan ng baggage declaration ang punong kalihim ng Palasyo kahit pasigaw pa umano siyang sinagot nito ng: “Wala ako niyan!” ani raw ni Ochoa.

Mabilis na nakarating sa isang mataas na opisyal ng Customs ang pangyayari at si Ramos ay agad na sinibak sa kanyang pwesto.

Kasabay ng pagsibak sa kanya, si Ramos pa ang naatasang gumawa ng salaysay upang ipaliwanag ang simpleng pagtupad lamang niya sa tungkulin.

Siguradong si Ochoa ang nag-utos sa mataas na opisyal ng Customs na ipasibak ang pulis dahil bago raw siya tuluyang umalis sa NAIA ay ipinagtanong pa muna niya ang buong pangalan ni Ramos.

Siyempre, dahil makapangyarihang nilalang sa kasalukuyang administrasyon si Ochoa kaya napakaraming nag-uunahan na magpakita ng katapatan sa kanya upang makapagsipsip.

Sa madaling sabi, ayaw pala ni Ochoa na may sisita sa kanya kaya dapat ay nagpasundo siya sa mga matataas na opisyal ng Customs o sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG). (Ang tawag diyan ay VIP treatment, kahit itanong mo pa kay NAIA Gen. Manager Jose Honrado.)

Kung matinong tao at opisyal ng administrasyong P. Noy itong si Ochoa, dapat pa nga ay papurihan niya si Ramos, kundiman parangalan, dahil siya na nga mismo ang nakasaksi na ginagampanan niya ang trabaho at walang sinisino. Hindi ba “matuwid na landas” ang tawag diyan?

Tuwid na landas ni P-Noy, binaluktot ni Ochoa

BAGO ang kapaskuhan, kitang-kita ng dalawang mata ko ang convoy ng mga sasakyan ni P. Noy na nakatigil sa kanto malapit sa Manila Hotel at hindi umusad hangga’t hindi naka-go ang signal light.

Malayong-malayo si Ochoa sa ipinamamalas ni P. Noy na “leadership by example.”

Kung may dapat ipasibak si Ochoa sa Customs ay ‘yung sandamakmak na magnanakaw na hanggang ngayon ay nakapwesto pa at ngayon ay sa administrasyon naman ni P. Noy gustong magsipsip.

Katulad ba ni Ochoa ang mga nakapaligid kay P. Noy na kasama niyang tatahak sa “matuwid na landas?”

Ngayon ako naniniwala na bukod sa alak, si Ochoa ay madaling malasing sa kapangyarihan.

Sakaling hindi alam ni Ochoa, ang tawag diyan ay “arrogance of power!”

No comments:

Post a Comment