INATASAN na raw ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Ambassador Manny Lopez para imbestigahan ang reklamo laban sa mga “bastos” na empleyado ng Philippine Embassy sa Tokyo, Japan.
Ito ay matapos nating ilathala sa pitak na ito noong Lunes ang reklamo na ipinarating ng mga kababayan nating OFW sa Japan na listeners ng ating programang ‘Lapid Fire’ sa DWIZ (882 Khz/AM band) viaustream.tv/channel/lapidfire-dwiz sa internet.
Sa natanggap nating tawag kamakalawa ng hapon, sinabi ni DFA spokesman Asst. Sec. Ed Malaya sa inyong lingkod na ang naturang reklamo ay agad nilang ipinarating kay Amb. Lopez upang imbestigahan ang reklamo laban sa kanyang mga tauhan sa Embahada.
Nakiusap si Atty. Malaya na kapag lumabas na ang resulta ng imbestigasyon ng Embahada sa Tokyo ay saka na siya magpapaunlak sa paanyaya nating makapanayam siya sa ating programa sa radyo upang makunan ng pahayag tungkol sa reklamo.
“KALBO” RAW ANG BASTOS
BUKOD sa tawag, tumanggap din tayo ng text mula kay Assec. Malaya na inyong mababasa.
Pero bago ang nasabing text, idadagdag muna natin ang ilan pang isyu at reklamo na hindi kasama sa nauna nating kolum:
Isa sa mga tarantadong empleyado na umano’y nambabastos ng kapwa niya Pinoy at nakatalaga sa window booth ng Embahada noong Jan.12, ayon sa reklamo, ay “KALBO”. (Sa madaling sabi ay kalbo na ang ulo, kalbo pa ang utak.); at
Hindi rin daw nagbibigay o nagbabalik ng sukli sa mga nagbabayad ang nakatalaga sa cashier.
Ang hindi ko lang alam ay kung nagbibigay na ng kaukulang “OFFICIAL RECEIPT” ang Embahada natin ngayon sa Tokyo, isang requirement sa batas na nadiskubre nating hindi sinusunod at binabalewala sa paniningil at mga transaksiyones ng Embahada sa Tokyo noong dekada ’80.
Bakit ba hapon na, 1:30 pm, binubuksan ang embahada sa Tokyo at hindi ito alam ng mga Pinoy na naninirahan at nagta-trabaho doon?
At bakit walang holding area na komportable para sa ating mga kababayan habang naghihintay sila kung kelan sila gustong harapin ng mga tauhan ng Embahada?
Hindi n’yo naitatanong, ang inyong lingkod ay matagal na namalagi sa Japan bilang legitimate entertainer mula pa noong dekada ’70.
Ang mga reklamong inilathala natin ay wala sa kalingkingan ng mga nalalaman kong kagaguhan at milagrong nakatago sa likod ng Embahada natin sa Tokyo.
Pero ang tungkol diyan ay sa ibang pagkakataon na natin muling bubusisiin at hahalukayin.
Samantala, narito po ang text message ni Assec. Malaya sa atin kamakalawa ng gabi:
“Ipinarating ng DFA sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ang reklamo na idinulog n gating kababayan sa inyong programang Lapid Fire sa DWIZ at hinihingan ng ating department ng explanasyon ang Embahado tungkol sa reklamo.
Sa aming palagay, dapat palaging professional at maayos ang pakikitungo ng ating mga kawani sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa at sa lahat ng iba pang tao, kaya inatasan ng Departamento ang Embahada na mag-imbestiga at magbigay linaw sa reklamo, at kung nauukol, magpataw ng administratibong sanction sa mga dapat managot.”
Nagpapasalamat tayo kay Assec. Malaya sa kanyang pagtugon at harinawa ay magkaroon sana ng resulta ang mga naturang reklamo alang-alang sa bansag na mga “Bagong Bayani”.
TAKOT MAGREKLAMO, BAKA RAW
IPITIN NG EMBASSY ANG PASSPORT
M. MONTERO (Tokyo, Japan) – “Maraming gustong mag-reklamo rito Ka Percy pero natatakot, baka daw ipitin yung mga dukomento nilang nakapasok na sa loob ng Embahada rito sa Tokyo, Japan. Paano ang gagawin naming? Next month, kailangan naming magpa-extend ng aming visa rito sa Tokyo Immigration. Kung iipitin nila ‘yung pasaporte naming, magiging over stay po kami rito. ‘Yan po ang reklamo ng isang Filipina na naginginig sa takot.”
No comments:
Post a Comment