TUMPAK lang ang naunang desisyon ni Pang. Noynoy Aquino na kanselahin ang P18.5 billion na kontrata para sa “dredging” o paglilinis daw (kuno) ng Laguna de Bay.
Ang kontrata sa maanomalyang proyekto ay pinagtibay sa pagitan ng kompanyang Baggerwerken De Cloedt En Zoon (BDC) at ng rehimeng Arroyo.
Natuklasan na ang kontrata ay hindi dumaan sa proseso ng “bidding” o subasta kung kaya’t ipinag-utos ni P-Noy ang pagkansela dito.
Nadiskubre pa na ang BDC pala na nakakuha sa naunsiyaming dredging project ng Laguna de Bay at ang contractor na nagsagawa ng “multong dredging” sa Pasig River ay iisa.
Ang BDC ay isang Belgian company na binayaran sa halagang P5 billion ng rehimeng Arroyo sa kabila na hanggang ngayon ay wala silang konkreto o matibay na ebidensiyang maipakita upang patunayan na talagang nagsagawa nga sila ng dredging para linisin ang Ilog-Pasig na pangunahing dahilan ng pagbaha sa Metro Manila.
Hindi rin maipaliwanag ng BDC kung saang lupalop nila itinambak ang milyun-milyong tonelada ng “silt” o burak na sinasabing hinukay at hinakot daw nila mula sa kalaliman ng Ilog-Pasig kapalit ng halagang ibinayad ng gobyerno.
Walang unang dapat ipatawag ang Senado at Kamara sa hinihinging imbestigasyon ng maraming sector upang magpaliwang sa kasong ito kundi si dating Sec. Lito “Peke ang Diploma sa PLM” Atienza, Jr. na siyang nakaupo noon sa DENR nang maganap ang malaking kahayupang ‘yan laban sa sambayanan.
Kaduda-dudang legal opinion ng DOJ nina Agra at de Lima
NOONG una, pinalitaw ng mga hindoropot na ang proyektong popondohan ng “utang” mula sa bansang Belgium ay isang kasunduan na kung tawagin ay “Government-to-Government Transaction” na hindi na kailangan pang dumaan o sumailalim sa bidding.
Pero ibinisto ng isa pang contractor na ito ay walang katotohanan kung kaya’t si dating Sec. Alberto Agra, ang huling kalihim ni GMA sa Department of Justice (DOJ) ay tumahi ng “LEGAL OPINION” upang mapalitaw na nilabag sa batas ang transaksiyon.
Sa kanyang opinyon, sabi ni Agra “EXECUTIVE AGREEMENT” daw ang naturang kontrata.
Muling pina-review ng kasalukuyang administrasyon ang kontrata at ang opinion ni Agra ay inayunan ni DOJ Sec. Leila de Lima, dating chairman ni GMA sa Commission on Human Rights (CHR).
Sibakin si Cabrera sa LLDA!
IMBES na sundin ang direktiba ng Pangulo sa pagkansela ng kontrata sa dredging ng Laguna de Bay, ipinahiya pa siya ng damuhong si Gen. Manager Rod Cabrera na kanyang inuluklok lamang niya na hepe sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Akalain n’yong sabihin nitong si Cabrera na “subject for review” o rerepasuhin lamang at hindi kanselado ang maanomalyang kontrata.
Kasunod nito, ipinag-utos ni P-Noy na pagpaliwanagin ang tarantadong opisyal ng LLDA naipaliwanag ang binitiwan niyang pahayag sa harap ng media.
Nasisiguro natin na malaking halaga ang kapalit kaya nagawang baligtarin at ipahiya ni Cabrera ang pangulo na nagluklok lamang sa kanya.
Katunayan, ang opinyong pinakawalan ni Cabrera ay kamukhang-kamukha at carbon copy sa “press release” ng BDC na lumabas sa mga pahayagan kamakalawa.
Ang dapat kay Cabrera ay hindi magpaliwanag kundi sipain sa puwesto dahil ipinapahamak niya si P-Noy!
No comments:
Post a Comment