HAYOP sa ‘di lang hayop ang mga dakilang magnanakaw na nagkamal at nagbulsa sa P5 billion pondo na kunwa-kunwariang ginamit sa ‘dredging project’ ng Ilog-Pasig bago bumaba sa Malakanyang si GMA at ang kanyang mga alagang kampon.
Sa ngalan ng sambayanan, ang pondo ay inutang ng rehimeng Arroyo sa bansang Belgium para sa rehabilitasyon ng Ilog-Pasig.
Ang proyekto ay isinailalim ng dating rehimen ni GMA sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at kay dating Sec. Jose ‘Lito’ Atienza, Jr., bilang katiwaldas.
Pero walang naniniwala na ang pondo ay totoo ngang napunta o ginamit para linisin ang Ilog-Pasig kahit ipagpilitan pa ng kompanyang Baggerwerken Cloedt En Zoon – isang Belgian contractor - na kesyo nakompleto raw nila nang mas maaga sa kontrata ang proyekto.
Ayon sa kakutsabang kontraktor, nalinis daw nila ang Ilog-Pasig sa loob lamang ng 8-buwan, imbes 10-buwan, o mas maaga ng 2-buwan, base sa pinasok nilang kontrata sa gobyerno ng Pinas.
Maliban sa paliwanag, ang Baggerwerken Cloedt En Zoon ay walang mailabas na konkretong ebidensiya upang patunayan na nagampanan nga nila ang paglilinis sa Ilog-Pasig base sa pinirmahang kontrata sa pamahalaan.
Hindi maipaliwanag at maipakita ng kontraktor kung saan nila itinambak o itinapon ang makapal na burak na sinasabing hinakot daw nila mula sa kalaliman ng Ilog-Pasig.
‘Yan ang dahilan kung bakit ipinatigil din ni P-Noy ang katulad na proyekto sa Laguna de Bay na nagkakahalaga ng P18 billion sa ilalim ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Natuklasan ni P-Noy na ang kontraktor na yayari sana sa dredging kuno ng Laguna de Bay at sa Ilog-Pasig ay iisa – ang Baggerwerken Cloedt En Zoon.
Kung nagkataon pala, kahit wala na sa pwesto ang mga dakilang magnanakaw sa rehimeng Arroyo ay muntik pa nilang maipagpatuloy ang kanilang pagnananakaw at baka si P-Noy pa ang maputukan sa bandang huli.
Matalino man daw ang matsing ay mahuhuli rin. Tama ba Lito ‘Peke ang mga Diploma’ Atienza and Co.? He-he-he!
Naalala ko tuloy na pagkatapos ng bagyong ‘Ondoy,’ itong si Atienza ay nabasa ko sa pahayagan na dumedelihensiya ng $2-B mula sa bansang Japan na kuning-kuning ay gagamitin ng DENR para sa rehabilitasyon naman daw ng Manila Bay.
Nakalimutan niya yata na siya ang unang-unang bumaboy sa Manila Bay nang ipatayo niya ang mga establisiyemento sa Baywalk.
Sa madaling sabi, gustong gawing negosyo ang rehabilitasyon kuno at kung saan-saan isinasangla ang taong bayan para makautang.
Ito ay maliwanag na malaking panloloko at panggagantso sa mamamayan na siyang magbabayad sa ninanakaw nila.
Daig pa ng mga ‘ijo de punyeta’ ang tumama ng jackpot sa Lotto.
Kinukuwestiyon din ang “legal opinion” ni dating Department of Justice (DOJ) Sec. Alberto Agra na kinatigan ni kasalukuyang Sec. Leila de Lima.
Kamakailan nga pala, ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ay nanawagan sa Senado at Kamara na imbestigahan ang kahina-hinalang proyekto.
No comments:
Post a Comment