Friday, December 10, 2010

‘Truth Commission’ binaril ng Supreme Court, patay!; GMA and Co., nagdiwang

WALANG katapat na kaligayahan ang nadarama ngayon ng mga tulisan at magnanakaw na nagpasasa sa loob ng mahigit siyam na taon ni GMA sa pwesto matapos paslangin ng Korte Suprema ang Executive Order No.1 na bubuo sa ‘Truth Commission,’ kamakailan.

Garapalang pinaboran ng SC ang petisyon na inihain ni Rep. Edcel Lagyan, este, Lagman pala, na ang EO No. 1 ni Pang. Noynoy Aquino at ang pagtatag ng TC ay lalabag daw sa probisyon ng Saligang Batas tungkol sa “equal protection of the law’.

Alam naman ng lahat na sa 15 mahistrado, 14 sa kanila ay pawang si GMA ang nagtalaga sa puwesto kaya hindi na tayo dapat magtaka kung bakit mistulang sarado na ang pintuan ng SC sa anumang balakin na makakaapekto sa kapanan ng mga tumampalasan sa sambayanan. Katunayan, pangalawang beses na ito. Ang una ay ang pagkakayari sa EO No.2 na naglalayong mapatalsik ang mga alipores ni GMA upang hindi na magamit pa ang kanilang puwesto sa pagnanakaw.

Arrest now, explain later

KUNSABAGAY, walang makapipigil kay P-Noy na maglabas ng panibagong EO kung talagang nais niyang isulong ang kanyang simulain laban sa institusyon ng katiwalian na itinatag ng rehimeng Arroyo.

Kaya lang, tiyak na hindi pa rin titigil ang mga nasa executive, legislative at judiciary sa pakikipagsabwatan sa dati nilang among si GMA hangga’t ramdam nilang hinahabol sila ng kanilang mga dapat panagutang kasalanan sa mamamayan.

Subukan naman kaya ni P-Noy na gamitin ang malimit nating banggitin sa ating programa sa radyo – ang ARREST NOW, EXPLAIN LATER - bago siya maunahan ng mga damuho na nasisiguro nating lahat ay gagawin hangga’t hindi nila siya napa-tatalisik sa pwesto.

“Test of Character”

PAMELA SANTOS (New York, USA) - “Test of character ang hinahanap ni P-Noy. So far he is passing the test, he was born with it, it’s in his blood.”

Itama ang bayad sa pasahe

MARTIN DE LEON – “Ka Percy, balak na naman taasan ang pamasahe. Kung hindi maiiwasan bakit ang hindi. Pero tila ang gobyerno, lalo na ang nakaraan, ay ‘di talaga serbisyo sa bayan ang tungkulin kundi pagkakakitaan ang bayan. Nagtaas ang pamasahe, naglabas ng fare matrix pinabayaran sa mga operator ng kung ilang daang piso. Gaano ba kamahal ang papel na ginamit dito? Dapat bang bayaran ng malaki ang pagko-compute ng pamasahe bawat kilometrahe? Isa pa, kapuna-puna para sa aming mga commuters na pag nataas ng pasahe, may dagdag sa minimum fare, may dagdag din sa bawat kilometrahe. Pero pag nagbaba ang pasahe, minimum fare lang ang bababa pero mananatili ang dating mataas na pamasahe sa bawat kilometrahe. Ito ay katamaran at kagulangan ng mga namiminuno sa gobyerno. Tinatamad silang gumawa ng panibagong fare matrix o dili kaya ay kung gagawa sila ay mahihiya naman silang sumingil para dito mula sa mga operator dahil pabawas ang pasahe. Isinasakripisyo nila ang kapakanan ng bayan, lalo na ng mga mahihirap. Bakit, short distance lang ba lagi ang biyahe kaya minimum fare lang ang may tapyas pamasahe? Matatandaan na nang gawing P8 ang minimum, itinaas din ang pasahe sa bawat sumusunod na kilometro, at bunga nito pinabayaran ng napakamahal ni Len Bautista Horny ang mga fare matrix sa mga operators. Noong bumaba ang langis sa world market, ginawa muling P7 ang minimum, ngunit nanatili ang halaga ng pamasahe sa bawat sumunod na kilometrahe. Abangan natin ngayon ang gobyerno ni Pang. Noynoy kung ano gagawin ‘pag nagtaas ng pamasahe. Baka dagdagan na naman bawat ang kilometrahe. Huwag na naman sana.”

“Lapid Fire” listener sa Europe

RB VILLAFLORES (Milan, Italy) – “Alam n’yo po G. Percy, nakaraang linggo ko lang kayo nadinig sa radio, kagyat po akong humanga sa tapang ninyo. Sana po tularan kayo ng iba pang media sa katotohanan. Dito po ako naka-base sa Milan, Italy. ‘Buti na lang may internet radio. Mabuhay po kayo!”

No comments:

Post a Comment