Tuesday, March 1, 2011

‘Arn-Arn’, basahin mo ito!

INYONG matutunghayan ang email na ating natanggap kaugnay ng ‘demolition job’ at mga malisyosong paninira laban kay DOTC Asst. Sec. Virginia Torres, hepe ng Land Transportation Office (LTO).

Ewan lang natin kung alam ni Karen De-vila, este, Davila ng ABS-CBN na matindi ang isyung si Arnold ‘Igan’ Clavio (aka ‘Arn-Arn’) ay kabilang umano sa mga nagpapagamit para gibain si Torres dahil sa nabulilyasong kontrata ng isang maimpluwensiyang negosyante sa LTO.

Narito po ang kabuuang nilalaman ng nasabing email:

“Noong nakaraang araw, todo batikos si Arnold Clavio ng Kapuso Network kay Land Transportation Office Chief Virginia Torres. Sa kanyang artikulo sa Abante na may malisyosong pamagat na ‘DeVIRGIEnize,’ puntiryang puntirya ni Igan si Torres na ‘di umano ay walang kakayahan.

Isa sa mga puntong nilabas niya ay ang isyu ng take-over sa Stradcom noong Disyembre 09, 2010 kung saan isinisi lahat ni Igan ang problemang ito kay LTO Chief.

Kung maaalala, si Arnold Clavio ang nag-interview kay Cezar Quiambao, pinuno ng Stradcom, noong kainitan ng pagtake-over sa Stradcom.

Ininterview din ni Igan sa kanyang show na Tonight with Arnold Clavio si Cezar Quiambao. Walang dudang malapit ang dalawang ito sa isa’t isa kaya naman halatang may bahid na politika ang kanyang pambubuska kay Torres.

Pati ang inisyal na imbestigasyon ng Department of Justice kinatigan ni Clavio, ang sinabi ng isa mga tumestigo na alam ni Torres ang nakaambang pagsugod ng mga kalaban ni Quiambao sa opisina nila gayung sinabi naman ni Torres na ang utos lamang niya ay huwag makialam ang sino man sa LTO sa away sa loob ng pamunuan ng Stradcom.

Pinapalabas pa niya na nalugi ang LTO dahil dito, eh alam ng lahat, and I mean lahat, na buwan buwan, hindi bababa ng 10 araw ang pag-o-offline ng LTO dahil sa Stradcom, luging lugi ang LTO dito Igan, eh bakit ito hindi mo mapuna?

Ang RFID na sinuspindi ng Korte Suprema dahil sa patung-patong na iregularidad, ba’t hindi mo binabatikos? Ang refund ng RFID na ayaw ibalik ni Quiambao, ba’t hindi mo binabatikos? Eh iniintay na ‘yun ng taumbayan! Ang kapal naman talaga ng Stradcom!

At higit pa doon, ‘yung RFID fee pa nga lang ang hinihiling sa kanila, wala pa roon ang computer fee na kasama nito.

At hindi pa natapos doon ang pagkikritiko ni Clavio, maging ang paulit ulit at recycled na isyu ng dokumentong pinirmahan ni Torres ay walang patumanggang idinidiin niya sa LTO Chief.

Nilinaw na ni Torres na bago pa man niya pinirmahan ang papeles ng kwestiyonableng Pajero ay legal na itong narehistro sa kanyang opisina, at ang tangi niyang ginawa ay kumpirmahin ang RENEWAL OF REGISTRATION.

Samakatuwid, narehistro na ito bago pa man umupo si Torres, eh bakit hindi ang pumirma ng unang rehistro ang hinahabol ni Clavio?

Pinagdidiinan pa ni Igan na wala siyang motibo sa pagkikritiko niya? Kahit kaibigan mo si Quiambao?

Alam ng madla na inirekomenda ni Torres na kanselahin ang kontrata ng Stradcom dahil sa napakaraming problemang dinadala ng IT contractor na ito sa LTO.

Isa na rito ang kawalan ng back-up system ng Stradcom, buwan buwan na pag-offline ng LTO System, ang walang security feature na IT system kaya narerehistro ang mga “hot cars,” ang ilegal na interconnectivity fee at Direct-Connect facility, at marami pang iba!

Clavio, ang dami na ng atraso ng Stradcom ah, ba’t hindi mo man lang mabanggit?

Sabi pa ni Clavio, ‘layunin ko lang ay mas mapaigi at maging maayos ang takbo ng serbisyo ng LTO sa mamamayan at ‘di ako naniniwala na maipagkakaloob mo iyon.’ Mapaigi ang serbisyo ng LTO o maproteksyunan ang kaibigan mong estapador?

‘Di ba’t may kasong P100 milyon si Cezar Quiambao dahil sa paglulustay niya sa pera ng isang tollway development company? Hindi ba’t inaakyat pa ni Quiambao ang kaso sa Court of Appeals pero na-deny siya?

Ngayon, may bagong kaso ang kaibigan mong si Quiambao sa DOJ na sinampa ng isang road users group, P2 bilyon na plunder case. Hindi mo pa din ba babatikusin ang Stradcom at si Quiambao? ‘Di ba mahilig ka namang maniwala sa mga sabi-sabi?”

Bukas po ang pitak na ito upang ilathala ang panig ni Clavio tungkol sa itinampok nating isyu laban sa kanya.

1 comment:

  1. Noong 2009, ininsponsoran ng STRADCOM ang IGAN CUP ni ARNOLD CLAVIO. Isang pang patunay na sinusuklian ng tulong ni CLAVIO ang STRADCOM.

    http://www.mb.com.ph/articles/213303/8th-igan-cup-a-big-success

    8th Igan Cup a big success
    Manila Bulletin
    July 29, 2009


    A total of 108 golf enthusiasts gathered recently at Club Intramuros Golf Course for the 8th iGAN Cup Golf Tournament.

    Organized by the iGAN ng Pilipinas Foundation, Inc., the event was hailed as one of the best tournaments in years. It also marked the first time that an unusual ceremonial tee-off was done.

    The formal tee-off commenced with a flag run participated by iGAN Foundation’s recipient kids which highlighted the event.

    Joining Arnold “Igan” Clavio and Edward “Dodie” King (VP-Corporate Communications Services Department of PAGCOR) during the ceremonial tee-off was Ashia Marie Nocum, an eight year old U.S. Kids Champion and Philippine representative to U.S. Kids World Golf Chamionship in Pinehurst, North Carolina.

    The event was sponsored by PAGCOR, STRADCOM, United Asia Automotive Group, Inc., International Armoring Corp., San Miguel Corporation, GSIS, Chevron Philippines, Inc., URC-Great Taste, City of Quezon, Bangko Sentral ng Pilipinas, Eastern Hawaii Leisure Co., and Club Intramuros.

    ReplyDelete