Thursday, February 24, 2011

Mayor Alfredo Lim sa EDSA People Power I

"Gentlemen, thank you for coming here and supporting us. But during one of the crisis moments last Sunday, when the order to disperse was given, I contacted Fred Lim. And without much ado, he evaded that dispersal order. Fred, thank you very much. And thanks again to all of you gentlemen.”

‘Yan ang maikling pananalita na namutawi sa bibig ni dating Pang. Fidel V. Ramos sa harap ng maraming saksi nang maganap ang EDSA People Power I na siyang nakaupo noon na vice chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at hepe ng PC/INP, 25-taon na ang nakararaan.

Ito ay nalathala at mababasa sa isang aklat na isinulat ng yumaong National Artist na si Nick Joaquin kung saan inilalarawan ang mahalagang papel na ginampanan ni Mayor Lim bilang isa sa mga bayani na isinilang ng EDSA.

Sakaling marami ngayon ang hindi nakaaalam sa mga totoong kaganapan ng makasaysayang pangyayari, ang EDSA ay pangunahing teritoryo na pinamumunuan ni dating General Alfredo Lim na noon bilang director ng Northern Police District (NPD) na may sakop sa Quezon City at Camanava.

Ayon na rin sa naitalang kasaysayan, posibleng hindi natuloy ang EDSA kung hindi binale-wala at sinunod ni Lim ang utos ng ibang nakatataas na opisyal sa kanya na lansagin ang hanay ng mga nagtitipon sa harap ng Camp Aguinaldo at Camp Crame na kakaunti pa lamang.

Umaga ng Linggo (Feb. 23), ipinarating ni Col. Javier ang order kay Lim mula kay Phil. Army Commander Josephus Ramas. Ang order: “Clear EDSA at once!”

Minabuti ni Lim na ipinagbilin sa kanyang mga tauhan na sakaling may mga tatawag ay huwag nilang sasabihin kung nasaan siya.

Bandang katanghalian ay nagtungo si Lim sa EDSA at kung ginusto niya, madali pang buwagin ang bilang ng mga nagtitipon na umaabot pa lamang sa may 5,000.

Lahat ng klase ng panlalansi ay ginawa niya upang iwasan ang sunud-sunod na tawag mula sa matataas na opisyal ng AFP at ng Malakanyang na humahanap sa kanya, na hindi maiiwasang magtataka kung bakit sa kabila ng order ay patuloy pa rin ang mga nagtitipon sa harap ng Camp Aguinaldo at Camp Crame.

Pero ilang saglit pa ay parang hukbo ng mga langgam na dumagsa ang tao sa EDSA matapos marinig ang panawagan ni Jaime Cardinal Sin sa Radio Veritas para protektahan ang grupo nina FVR at dating Defense Minister Juan Ponce Enrile sa ginawang pagkalas kay yumaong Pang. Ferdinand Marcos.

Araw ng Lunes (Feb. 24), habang nasa kanyang tanggapan sa Sikatuna, tumanggap si Lim ng tawag mula kay Col. Mitch Templo upang iparating ang mensahe ni FVR sa kanya na payagang magkampo sa labas ng kanyang tanggapan sakaling dumating ang reinforcement ng mga rebeldeng sundalo na manggagaling sa Lipa Air Base.

Kasabay nito, sumabog na ang balita na nalathala pa sa pahayagang Tempo ang pagsama ni Lim sa puwersa ng mga rebeldeng sundalo.

Sumunod na araw (Martes), bandang alas-2:40 ng hapon, tinipon ni Lim ang lahat ng kanyang opisyal sa NPD para ipagtapat ang kanyang susunod na hakbang.

Ipinaalam ni Lim sa kanyang mga nasasakupang opisyal nakatakda niyang pagtungo sa Camp Crame sa araw na iyon upang iprisinta ang kanyang sarili kay FVR at lumantad sa panig ng mga rebelde at ng mamamayan.

Pinalalahanan muna niya ang mga opisyal na magpapasiyang sumama sa kanya ay kasamang itataya nila pati ang kapalaran at kinabukasan ng kanilang pamilya.

Sa 40 opisyal na nagpahayag ng suporta kay Lim, 2 lamang kumontra.

Ganap na alas-6:00 ng hapon, si Lim at ang mga opisyal na kasama niya ay nagtungo sa Camp Crame at humarap kay FVR.

Ang lahat ay nagulat at napatingin kay Lim nang marinig ang pasasalamat ni FVR sa kanya dahil ni isa ay walang nakaalam tungkol sa naging pag-uusap nila ng dating pangulo.

Bilang paggunita sa EDSA, ngayong umaga ay pangungunahan ni Pang Noynoy Aquino ang unveiling at pagpapasinaya sa bantayog ni Cardinal Sin sa tabi ng mga monumento ng kanyang mga yumaong magulang na pawang si Manila Mayor Alfredo Lim ang nagpatayo para magsilbing alaala sa atin at sa mga susunod pang henerasyon o saling-lahi.

No comments:

Post a Comment