Sunday, February 6, 2011

Si Sec. De Lima at ang sentido-kumon

IGINIGIIT pa rin nitong si Department of Justice (DOJ) Sec. Leila de Lima na ‘outstanding’ pa raw ang “mandamiyento de aresto” laban kay Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson kahit pa sinabi ng Court of Appeals (CA) sa kanilang desisyon kamakailan na walang “probable cause” para idiin ang senador sa Dacer-Corbito double murder case.

Naturingan pa namang nag-aral ng batas at humahawak ng pinaka-mataas na puwesto sa DOJ itong si De Lima pero ang interpretasyon ng batas ay ginagawa niyang mangmang.

Ano pa ang bisa ng “warrant of arrest” na ipinangangalandakan nitong si De Lima kung wala namang kaso si Lacson, base na rin sa desisyon ng CA? ‘Di ba malaking kagaguhan na ipapaaresto ang isang tao na wala namang kaso?

Walang ibang dahilan kung bakit pinupuntirya ni De Lima si Sen. Lacson maliban sa pagbabayad ng utang na loob sa “mag-asawa” na dati niyang mga amo sa Malakanyang na hanggang ngayon ay kanyang pinaglilingkuran.

‘Yan naman ay kung may “common sense” nga si De Lima!

CIIS PURO ‘ALERT’ SA POM

INIREREKLAMO ng mga broker at importer ang isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Manila (POM).

Mula raw nang mapuwesto sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ilang buwan ang nakararaan ay wala na siyang ginawa kundi isailalim sa “alert” ang mga kargamento sa POM.

Kaya lang, ayon sa mga impormante natin, kahit isa pala ay wala naman silang nakitang baluktot sa mga pinabuksan nilang kargamento.

Maliwanag na pamemerhuwisyo lang sa mga broker at importer ang ginagawa ng mga damuhong ito para maghatag ng ‘tara’ o ‘tong’ sa kanila kaya inaabala.

Tama ba, Kagulang-gulang, este, kagalang-galang na Marissa?

‘DI PAGBUWAG SA POEA, OWWA BATAY SA MIGRANT WORKERS ACT OF 1995 (RA 8042) MALAKING PANLOLOKO SA MGA OFW

ED BERNARDINO (OFW) – “Napakalaking issue ang natisod ninyo Ka Percy. Talaga naman na ang isang administrasyong naitatag sa pagkukunwari ay puro pagkukunwari ang ginawa hanggang sa katapusan. Niloko ang sambayanan sa loob ng napakahabang panahon. Kinawawa ang mga migrant workers na mga bayani kuno. Sana ilabas ninyo sa inyong column ang listahan ng mga taong involved dito; mga deputado, mga senador, ang mga abogadong nagbigay ng legal opinon sa executive department. Anong nangyari sa mga investigative reporters, bakit na missed nila ito? Mabuti na lang at may Lapid Fire. Mga adviser ni P-Noy, nakikinig ba kayo o ayon nga kay Atty. Paguia ay maaring sinusundan lang ninyo ang yapak ng mga dating tauhan ni Gloria? Kawawa naman talaga ang bayan, hinalay hindi lang apat o sampung katao, kundi ng buong institusyon!”

***

PETE CANZON (Musician) - “’Langya din naman ‘tong mga nakaupong mambabatas na mga ito, at siyempre si Gloria at mga kasama nito. Napakadumi na ng gobyernong ito, kasi sila pa din halos ang nandiyan kahit wala sa pwesto. Kung kinanakailangan mag-protesta at lumabas, sama ‘ko. Mabuhay kayo, Percy at Atty. Alan Paguia!”

***

AHJIE AMOR (USA) – “kailan kaya magkakaron at ipapakita ni pinoy ang kanya mga ngipin Kuya Percy? Malaki pa naman ang tiwala ko sa kanya. kahit ‘di mabago ang lahat basta kahit konti lang sana ang mabago sa lipunan natin. Paano rin kaya magkakaisa mga Pilipino?”

***

JERICHO CRUZ – “Nakatisod po kayo ng napakalaking isda, binigay ni Lord ang talino n’yo para maayos ang ating bansa. Mga tiwaling mambabatas, puro pahirap sa bansa, lagi na lang ginagamit ang mga mahihirap. Sana magising sa katotohanan ang mga tarantadong pulitiko na pahirap sa bayan. Pano po kaya malilitis ang OWWA at POEA? Mabuhay po kayo, kasma na po sina Lolipop, Jograd at si Sir Alan Paguia!”

***

LOUISE DE GUIA (Japan) – “Kaya walang kaunlaran ‘yang bansa natin, umiikot lang ‘yung mga tao diyan sa Senado at sa kongreso sa mga kanya-kanyang diskarte kung paano sila yumaman lalo. At ‘yung mahihirap ay manatiling poor na namamatay na dahil wala nang makain. Ganoon ang nangyayari sa bansa natin, walang pagbabago. Pero nabuhayan kami nang pag-asa, kasi andiyan kayo para sabihin ang totoo. Mabuhay po kayo Mr. Percy Lapid and more power to your program, ‘LAPID FIRE’!”

No comments:

Post a Comment