Tuesday, February 8, 2011

Extortion sa Boracay; ‘Sakla’ pinagmitingan ng barangay Captains sa City Hall ng Pasay

MINITING daw kamakailan ng City Hall officials ang mga Barangay Captain na kumokontra sa “bangka” ng mga nakalatag na mesa ng ilegal na “sakla” sa Pasay City. Kaya raw sila ipinatawag ay para alamin ng City Hall officials kung ano ang kanilang mga “kahilingan” ng mga umaalma laban sa mga “puesto pijo” ng saklaan sa lungsod.

Matapos ang nasabing miting, bakas na bakas daw ng impormante natin ang matatamis na ngiti sa pagmumukha ng mga ipinatawag na Kapitan ng barangay. Magkano, este, bakit kaya?

Abangan kung sino-sino ang mga dumalo sa nasabing miting!

* * *

KINOKONDENA ng mga tourist photographer na nakabase sa Maynila ang pangongotong umano sa kanila ng ilang “tourist police” at ng “office of the mayor” sa Boracay, Kalibo, Aklan.

Ayon kay Wilson Tetolo, 42, tourist photographer ng isang kilalang travel agency sa Maynila, tuwing siya at ang mga kasamahang tourist photographer ay nagtutungo sa mga beach resort ng Boracay kasama ang kanilang mga Korean tourists ay hinuhuli sila ng mga tiwaling tourist police.

Kinukompiska umano ang kanilang mga dalang kamera at pilit daw silang pinagbabayad ng permit na nagkakahalaga ng P2,500 sa tanggapan ni Kalibo Mayor John Yap.

Si Tetolo ay official photographer ng isang travel agency na kasamang bumibiyahe upang kumuha ng retrato na mga dayuhang turista na namamasyal sa magagandang beach ng Boracay.

Ayon sa kanya, may mga sarili raw kasing photographer na alaga ang isang opisyal ng Pulis para kumuha at magbenta ng retrato sa mga turista.

Ang kita umano ng local photographers sa pagkuha ng retrato ay napupunta sa nasabing police official kung kaya’t ipinag-uutos sa kanyang mga tauhan ang paghuli sa mga retratistang nakabase sa Maynila na kasama ng mga turistang dumarayo sa Boracay para mamasyal.

Reklamo nila, malaki ang kanilang ginagastos sa pamasahe sa eroplano at hotel room sa pagtungo sa Boracay beach kasama ng mga sineserbisyuhao nilang turista na hindi nila nababawi dahil sa panghaharas sa kanila.

Kuwento pa ni Tetolo, noong minsan na nagreklamo siya hinggil sa ginagawang paghuli sa kanya ay ipinakulong pa umano siya ng naturang police official at pinakawalan lamang matapos siyang maghatag ng halagang P5,000 na hiningi sa kanya.

Sinabi pa umano sa kanya ng opisyal na ang panghuhuli sa kanila ay utos umano na nangga-ling sa tanggapan ng alkalde.

Ayon pa umano sa opisyal, mahigpit ang tagubilin mula sa tanggapan ng alkalde na kailangang kumuha muna sila ng permit bago payagang kumuha ng retrato katumbas ng halagang P2,500 bilang bayad.

Pero may nakapagsabi umano na ito ay pakana lamang ng nasabing police official sa Boracay.

Kung meron umanong dapat hulihin ay ‘yung mga ilegal at ‘di lisensiyadong “Korean Tour Guide” na naglipana sa Boracay, hindi sila na naghahanapbuhay nang matino at nakatutulong pa para mapalakas ang turismo.

Nanawagan ang grupo ng tourist photographers sa mga local na opisyal at kay PNP Chief Raul Bacalzo para imbestigahan ang mga opisyal ng PNP sa Boracay na sangkot sa pangongotong.

Kung magpapatuloy pa raw na pagbabawalan silang kunan ng retrato ang mga kasamang nilang turista na dumarayo sa Boracay ay hihingin na sila ng tulong sa mga abogado upang magsampa ng mga kaso laban sa mga nasa likod ng malaking katarantaduhang nangyayari.

Bakit, may ordinansa ang Kalibo na bawal ang mga photographer na dumarayo sa Boracay para kumuha ng retrato?

No comments:

Post a Comment