Sunday, February 20, 2011

Expired na SRA ng POEA at ang LSWF

ILANG taon na ang nakararaan ay naglabas ng maanomalyang “special recruitment authority” (SRA) ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na iginawad nito sa Luneta Seafarer Welfare Foundation (LSWF), isang kuwestiyonableng organisasyon na itinatag para daw sa kapakanan (kuno) ng mga marinong Pinoy seaman.

Ang SRA na ipinagkaloob sa LSFW ay pirmado pa ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Rosalinda Baldoz na noon ay administrator ni GMA sa POEA.

Ito ang “lisensiya” na ginamit ng LSWF sa kanilang operation upang makapagtayo ng gusali at mga negosyong malakas pagkakitaan sa kalye T.M. Kalaw, malapit sa kanto ng M. Orosa St., Ermita, Manila.

Multi-milyones na negosyo

ANG SRA, na may bisa lamang na 5-taon, ay matagal nang “expired” o paso, subali’t hanggang ngayon ay patuloy pang kumikita ng limpak-limpak ang LSWF mula sa mga “recruitment counter/booth” na kanilang pinauupahan.

Hindi bababa sa 50 manning agencies ang umuupa ng puwesto sa LSWF at bawa’t isa ay nagbabayad ng halagang P15,000.00 na kanilang singil kada buwan.

Kung susumahin, sa 50 puwesto pa lamang, ay tumataginting na P750,000,00 ang naibubulsa ng LSWF. Sa loob ng isang taon, aabot sa halagang P9-M.

Sa 5-taon, umaabot sa halagang P45-M ang kinita ng LSWF mula pa lamang ‘yan sa renta ng mga recruitment counter/booth na inuupahan ng manning agencies.

Walang kamalay-malay ang mga aplikanteng seaman na sila ay ginamit ng LSWF upang makakuha ng kuwestiyonableng SRA sa POEA.

Pinalitaw ng LSWF na ang gusaling ipinatayo nila ay gagamitin ng libre para magsilbing silungan ng mga aplikanteng seaman, imbes na pakalat-kalat at nakabilad sa init ng araw sa kahabaan ng T.M. Kalaw.

Panloloko lang pala ito dahil ang nasabing gusali ay tulad sa hotel na pinauupahan ng LSWF sa mga aplikanteng seaman na nanggagaling sa malalayong probinsiya para maghanap ng masasakyang barko.

Bawa’t aplikante na manunulyan sa ipinatayong gusali ng LSWF para matulog ay sinisingil ng halagang P800 bilang bayad o upa.

Si Don bagatsing na “bata” ni Atienza

ANG mga negosyo ng LSWF ay naitayo sa basbas ni dating DENR Sec. Jose ‘Lito’ Atienza, Jr. noong kanyang huling termino bilang alkalde ng Maynila.

Ang LSWF ay itinatag ni Don Bagatsing na kilalang malapit at kaalyado ng pamilya ni Atienza sa politika.

Si Bagatsing ay ilang taon humawak ng titulo bilang “Deputy Mayor” ni Atienza sa City Hall.

Noong 2007, tumakbo si Don Bagatsing subali’t natalong kandidato bilang vice mayoralty candidate ng anak ni Atienza na si Ali.

Kasong bigamy sa customs exec?

KUNGDIMAN sa mga kasong nakasampa sa tanggapan ng Ombudsman laban sa kanya sumabit ang itong isang mataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ay siguradong sa kulungan din siya pupulutin.

Base sa kopya ng Cenomar mula sa tanggapan ng Office of the Civil Registrar General ng National Satatistics Office (NSO), isang mataas na opisyal ng Customs ang narehistrong nagpakasal ng 2 beses sa magkahiwalay na pagkakataon at sa magkaibang babae na kanyang pinakasalan.

Ang nasabing opisyal ay kasalukuyan pang may mga kaso ng unexplained wealth na kanyang kinakaharap sa Ombudsman matapos siyang isalang at lumagpak sa lifestyle check ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) noong nakaraang taon.

Siya ay “bata” ng isang mambabatas sa Metro Manila na nagrekomenda sa kanya kung kaya’t siya ay napasok at nabigyan ng puwesto sa Customs noong panahon ng dating administrasyon ni GMA.

Baka naman nabiyudo siya sa kanyang unang pinakasalan noong 1965 kaya muli siyang ikinasal sa ibang babae noong 1998?

Abangan!

No comments:

Post a Comment