Wednesday, February 2, 2011

POEA at OWWA walang mandate

DALAWANG ulit nilabag ng Senado at Kamara ang Konstitusyon nang kanilang amyendahan ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.

Ito ang pahayag ng batikang abogado na si Atty. Alan Paguia sa panayam natin sa kanya kamakailan at ayon sa kanya ay ginamit ng mga mambabatas ang kanilang “legislative power” na amyendahan ang Republic Act 8042 upang lokohin ang sambayanan.

Sinabi ni Paguia na labag sa Saligang Batas ang pagkakagamit ng Senado at Kongreso sa kanilang “amendatory power” upang pagtakpan ang malaking krimen ni GMA laban sa mga OFW at mamamayan na nagluklok sa kanila sa pwesto.

Taong 2000 pa dapat, ang Philippine Overseas Employment Administration at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay wala nang “mandate” na magpatuloy bilang mga ahensiya ng pamahalaan sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Amendments sa RA 8042 uncosntitutional

Ang “abolition” o “pagbuwag” sa POEA at OWWA ay itinakda sa Sec. 39 at Sec. 40, limang-taon matapos maging ganap na batas ang RA 8042 noong 1995.

Ayon sa batas, ang DOLE, sa loob ng isang-taon ay dapat makabuo ng ipatutupad na tuntunin sa abolition o pagbuwag ng dalawang nabanggit na ahensiya.

Pero sa kabila nito, ilegal na ipinagpatuloy ng POEA at OWWA ang kanilang “regulatory function” at ang pangingikil ng salapi mula sa mga OFW, sa loob ng 7-taon, nang wala silang “mandate,” hangang makipagsabwatan kay GMA ang Senado at Kamara upang amyendahan ang RA 8042.

Taong 2007 unang “dinoktor” at sinalaula ng mga mambabatas na kasapakat ni GMA ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 na lumikha sa RA 9422.

Hindi pa sila nasiyahan kaya noong March 2010, ang batas ay muling binaboy, este, binago at ngayon ay RA 10022 naman ang tawag.

Pangingikil ng POEA at OWWA sa mga OFW

IBIG sabihin, sa loob ng 7-taon (2000-2007) ay ilegal na nangikil ng salapi ang POEA at OWWA mula sa dugo at luha ng mga kababayan nating OFW na umaalis ng bansa.

Kada OFW ay kailangang sumuka ng halagang hindi bababa sa P8,855 para sa POEA processing fee: P200; OWWA contribution: P1,275.00; Medicare: P900.00; at OWWA insurance na $144.00 na depende sa umiiral na halaga ng palitan sa piso.

Ayon mismo sa website ng POEA, umaabot daw mula sa 3,000 hanggang 4,000 ang umaalis na OFW araw-araw.

Ang tanong: Sa loob ng 7-taon pa lamang na kuwentahan, magkano ang nakolekta nila? At sino-sino ang kumita at naghati-hati sa kinita ng POEA at OWWA?

Santisima!

* * *

JOHN FLORES – “Salamat Sir Percy sa maliwanag na ibinulgar mo patungkol sa tahasang katiwalian ng Gobyerno laban sa mga mamamayan nito! Ipagpatuloy mo lang sana na matutukan ito para lalong uminit at kung kailangan ay manawagan sa mga former and present OFW na kalampagin ang POEA at tanungin. Ano pa nga ba ang ginagawa nila sa opisinang hindi naman umiiral? Maraming salamat at sana ay humaba pa uli ang iyong time-slot sa radio!”

* * *

JAY – “Congrats! Napahanga mo ako, akala ko noon puro kalaban lang nina Mayor Lim at P-Noy ang tinitira mo, ‘di pala. Nu’ng natuklasan mo ‘yung batas, which is MIGRANT WORKERS ACT OF 1995 (RA 8042), ikaw lang ang nakadiskubre niyan. But the thing is, sino magpapanagot sa kanila? ‘Di ko na pahahabahin, sasama ako kung sakaling maglulunsad ka na ng protesta. God bless and more power to your program! I am Jhay from Pampanga, a law student.”

* * *

ROMEO CUA – “Natumbok mo ang Republic Act #8042 - Migrant Workers & Overseas Filipinos Act 0f 1995. Mabuhay ka!”

* * *

LINDA VALDEZ (OFW) – “Maraming sabit dito, Sir Percy. Just asking, Senator si P-Noy those times, ibig sabihin ‘di n’ya nalaman yun? Kagaya naming mga OFWs na ngayon lang namin nalaman yan! Thanks sa ‘yo Ka Percy, susundan namin yang issue na yan”

No comments:

Post a Comment